VIGAN CITY, Ilocos Sur – Isang stage na lang ang hihintayin ni George Oconer bago ilatag ang red carpet na kanyang daraanan tungo sa victory stand para tanggapin ang tumataginting na P1 million cash prize at handcrafted trophy bilang kampeon sa 2020 Ronda Pilipinas.
Nakalikom si Oconer ng kabuuang oras na 31 hours, 50 minutes at 52 seconds makalipas ang siyam na stage upang mapanatili ang one minute at 15 seconds na kalamangan sa kanyang kasaamahan na si Asian Games at SEA Games veteran Ronald Oranza.
Kailangan na lamang tapusin ng 28-anyos na anak ni 1992 Barcelona Olympian at national coach Norberto Oconer ang 10th at final stage 40 kilometres criterium sa loob ng Vigan upang pormal na angkinin ang korona na binakante ni Francisco Mancebo ng Spain.
Wala nang kawala kay Oconer ang titulo dahil ang limang sumunod sa kanya ay pawang kasamahan niya sa Standard Insurance-Navy – Ronald Oranza, Ronald Lomotos, John Mark Camingao, Junrey Navarra at El Joshua Carino na nakahandang sumuporta sa kanya sa 10th at final stage.
Ang final stage ay isa na lamang coronation run sa formal assumption ni Oconer bilang bagong kampeon kung saan ang kanyang Standard Insurance-Navy team ay sigurado na rin bilang team champion makaraang kumolekta ng kabuuang oras na 127 hours, 23 minutes at 33 seconds, 33 minutes at 28 seconds ang bentahe sa malayong pumapangalawang Go 4 Gold, at 47 minutes at 16 seconds ang lamang sa pumapangatlong Bicycology Shop-Army.
Kinuha ng 21-anyos na si Kenneth Solis ang 176 kilometers ninth stage mula Pogo (La Union) hanggang sa lungsod na ito sa oras na 4 hours, 15 minutes at 27 seconds at tinalo sina Christopher Garado, Mar Sudario, Mervin Corpuz at Bryant Sepnio na dumating sa kaparehong oras.
“It’s in the bag. The title is already in the hands of Oconer. All he has to do is to run the final stage and clinch the title,” sabi ni cycling official Wilson Cheng.
Sinabi ni team owner Ernesto Echauz may insentibo siyang ibibigay kay Oconer at sa lahat ng kasapi sa Standard Insurance-Navy sa kanilang matagumpay na kampanya sa individual at team events. CLYDE MARIANO