(Wala nang maisusuko sa PNP) FIREARMS NI PASTOR QUIBOLOY NAIBENTA NA

NADISKUBRE ng Philippine National Police (PNP) na ibinenta na sa ibang tao ang iba pang mga armas ng puganteng lider ng Kingdom of Jesus Christ Pastor Apollo Quiboloy.

Magugunitang may 14 na high powered firearm na naka pangalan umano kay Quiboloy ang hinahanap pa matapos na isuko ng kampo nito ang 5 baril sa PNP Police Regional Office 11 kamakailan.

Kabilang sa mga sinasabing isinuko ng kampo ni Quiboloy ang isang Colt rifle, dalawang Beretta pistols, at dalawang Metrillo pistols.

Ayon sa PNP tinutunton nila kung nasaan ang mga nasabing baril bunsod ng mga ulat na ibinenta na sa iba ang 14 na mga armas na nakarehistro sa ilalim ng pangalan ng naturang wanted na pastor.

Isiniwalat ni PNP Public Information Office chief Col. Jean Fajardo sa media na Disyembre pa ng nakaraang taon ibinenta ng kampo ni Quiboloy sa mga indibidwal na may apelyidong Canada ang mga armas nito.

Sinasabing anim sa 14 na mga baril ni self proclaimed “Appointed Son of God” Pastor Quiboloy ay ibinenta sa isang nagngangalang “Cresente Canada”.

Matatandaan, may isang nagngangalang Cresente Canada na isa rin sa mga kasamahan ng pastor na kinabibilangan nina Paulene Canada, Ingrid Canada, Sylvia Camanes, at Jackielyn Roy na pawang mga respondents ng arrest order na inilabas ng Davao Regional Trial Court laban sa mga ito nitong Abril 3 na may kaugnayan sa mga kasong paglabag sa Republic Act 7610 o Anti-Child Abuse Law.

Nilinaw ni Col. Fajardo na kasalukuyan nang sinisiyasat ng PNP Firearms and Explosives Office ang mga dokumento may kaugnayan sa mga baril at kung iisa tao lamang ang mga ito.

Tiniyak ng tagapagsalita ng PNP na oras na mapatunayang iisang tao lang ang bumili ng mga baril ni Quiboloy at ang respondent sa warrant of arrest ng korte ay muli aniyang maglalabas ng revocation ng LTOPF ang pambansang pulisya ukol dito.
VERLIN RUIZ