WALA NANG TOWERCOS DUOPOLY

cellular site tower

GUMUHO na ang towercos duopoly na unang isinulong ni Presidential Adviser on Economic Affairs and Information Technology Communications Ramon Jacinto dahil hindi lamang dalawa kundi 19 tower providers ang papayagang magtayo ng cell sites na magsisilbing common tower ng telecommunication companies.

Sa hindi malamang dahilan ay hindi sumipot si Jacinto sa pagdinig na  isinagawa kahapon ng House Committee on Information and Communications Technology na pinamumunuan ni Victor Yap hinggil sa common tower.

“Wala na, nakakuwan na ‘yun, we are also talking with the Presidential Adviser Ramon Jacinto na more less say, ‘yung two tower niya, he softened up already on that issue,” wika ni Department of Information and Communications Technology (DICT) acting Secretary Eliseo Rio sa ambush interview matapos ang pagdinig ng nasabing komite.

Magugunitang igi­nigiit ni Jacinto na limitahan lamang sa dalawa ang bilang ng pribadong kompanya na papayagang magtayo ng cell towers sa bansa subalit marami ang tumutol dito.

Ayon kay Rio, 19 na ang kompanya na lu­magda ng Memorandum of Understanding (MOU)  sa DICT para magtayo ng mga tower kung saan lima sa mga ito ay local habang 14 ang international companies.

Nabatid sa nasabing pagdinig na 50,000 towers ang target na itayo sa buong bansa  sa loob ng pitong taon at nagkakahalaga umano ito ng $4.5 billion.   Sa ngayon, ayon kay Rio, ay nangungulelat ang Filipinas pagdating sa towers dahil umaabot lamang sa 18,000 ang itinayo ng Globe at Smart gayong sa Vietnam, aniya, ay 70,000 ang kanilang cell sites tower.

Sinabi pa ni Rio na bukas na rin ang mga telcos na magkaroon ng sharing sa kanilang tower na umaabot sa 500 sites habang 500 naman sa government sites na pagtatayuan ng mga common tower.

“In fact, DICT lang, we have about 180 towers na nakatayo na but hindi nagagamit. This one, we are going to offer as common towers,” ani Rio.

Kapag naitayo na, aniya, ang mga common tower ay ang mga provider ang bahalang magbenta o magparenta  sa mga telcos kung saan lumabas sa pagdinig na ang renta kada buwan ng mga telcos sa ibang bansa sa isang common tower ay hanggang $2000 kada buwan.

Comments are closed.