WALA PANG BAKWIT NA COVID-19 POSITIVE-DOH

Maria Rosario Vergeire

INIULAT ng Department of Health (DOH) na wala pang bakwit sa iba’t ibang evacuation sites ang nagpopositibo sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Sa kanyang virtual press briefing kahapon ng umaga at pagbibigay ng update hinggil sa epekto ng mga nagdaang  kalamidad, sinabi ni Health Undersecretary at Spokesperson Maria Rosario Vergeire na sa ngayon ay wala pang nakakalap na report ang DOH na may evacuee na kumpirmadong nagkasakit ng COVID-19.

Batay sa monitoring ng DOH, aabot pa sa 55,921 na pamilya o 223,378 na indibidwal ang nananatili sa higit isang libong evacuation center dahil sa Bagyong Ulysses.

Samantala, aabot naman sa 30 health facilities ang apektado ng Bagyong Ulysses, partikular sa Region 2, 3, 4-A at Cordillera Adminitrative Region (CAR).

Ayon kay Vergeire, tuloy-tuloy ang pagdedeploy ng DOH ng Health Emergency and Response Teams para magsagawa ng surveillance, food, medical, water and hygine promotion at mental health and psychosocial support.

Tiniyak din ni Vergeire na patuloy na nakamonitor ang DOH sa sitwasyon sa mga evacuation center at kalagayan ng mga residente.

Sinisiguro rin nila na nasusunod ang health protocols para maiwasan ang hawahan ng COVID-19. ANA ROSARIO HERNANDEZ

Comments are closed.