WALA PUTOL KORYENTE HANGGANG SETYEMBRE

KORYENTE-4

PANSAMANTALANG makahihinga nang maluwag ang mga customer ng Manila Electric Company (Meralco) matapos na pumayag ang kompanya sa mungkahi ng House Committee on Energy na huwag na munang mag­putol ng koryente hanggang sa buwan ng Setyembre.

Sa ginanap na pagdinig ng nasabing komite na pinamumunuan ni Marinduque Rep. Lord Allan Velasco kamakailan, inihayag ni Meralco Vice President and head of Customer Retail Services and Corporations Communications Victor Genuino ang kahandaan ng pinakamalaking power distributor sa bansa na palawigin ang palugit sa pag-iisyu nito ng disconnection notices.

Ito’y upang mabigyan, aniya, ng sapat na panahon ang Meralco customers na mabayaran ang kani-kanilang ‘unpaid electricity bills’, partikular ang naipon sa loob ng quarantine period, lalo’t halos lahat naman ay labis na naapektuhan ang paghahanapbuhay sa panahon ng COVID-19 pandemic.

Bagama’t ikinatuwa niya ang naturang pahayag, hinimok ni Velasco ang Meralco official na ihinto na rin muna ng kompanya ang pagbibigay ng ‘notice of disconnection’ sa customers nito.

“Can we request Me­ralco to extend the period guaranteeing that there will be no disconnection to give people more time to recover and get back on their feet as their work resumes and businesses reopen?” anang Marinduque lawmaker.

Agad namang tumugon si Genuino at sinabi na hanggang sa buwan ng ­Setyembre ay wala silang gagawing pagpuputol ng power connection at isasantabi na rin ang nauna nilang itinakdang deadline na hanggang sa buwan ng Agosto dapat mabayaran ang ‘unpaid bills’ ng Meralco customers.

Samantala, sa nasabing pagdinig ay ipinagpatuloy ang pagtalakay sa mga rek­lamo na biglang pagtaas ng power consumption at bayarin sa koryente ng ma­rami.               ROMER BUTUYAN

Comments are closed.