HINDI puwedeng arestuhin si Negros Oriental 3rd District Representative Arnolfo Teves Jr. sakaling bumalik na ito sa Pilipinas mula sa kanyang dinaanang medical procedures sa Estados Unidos.
Ito ay sa kabila ng mga alegasyong ibinabato sa kanya na iniuugnay sa naganap na pagpatay kay dating Negros Oriental Governor Roel Degamo at walong iba pa.
Maging ang Philippine National Police ay nagsasabing walang mangyayaring arestuhan sa oras na makabalik na sa bansa si Teves.
Ayon kay PNP spokesperson Col. Jean Fajardo, walang legal na basehan ang pambansang pulisya sa pang-aaresto kay Teves dahil wala pa umanong warrant of arrest na inilalabas ang korte laban sa kinatawan.
Una nang inihayag ng legal team ni Teves na gustong gusto ng umuwi ng mambabatas subalit natatakot ito sa kanyang seguridad at maging ng kanyang pamilya.
Bukod pa ito sa bantang pag- aresto kaugnay sa Degamo slay case at sa mga kaso na maaring iharap kay Teves kasunod ng umano’y ilegal na pagsalakay sa kanyang mga bahay kung saan nasamsam ang sari- saring matataas na kalibre ng baril nito matapos ang isinagawang raid ng PNP-CIDG at Philippine Army.
Inihayag din ni Col Fajardo na handa ang PNP na pagkalooban si Teves ng kaukulang seguridad at proteksyon gayundin ang kanyang buong pamilya upang hindi na ito magkaroon pa ng agam-agam sa pagbalik sa bansa.
Magugunitang, sinabi ni Fajardo na kabilang si Cong. Teves sa mga sinampahan ng PNP-CIDG ng reklamong paglabag sa comprehensive firearms and ammunition law at gayundin ng illegal possession of explosives.
Samantala, inihayag ng pamunuan ng PNPna handa silang magbigay ng seguridad sa mga elected government official upang maiwasan na maulit ang nangyaring pagpaslang kay Degamo.
Nabatid na may ilang government officials na ang lumapit sa PNP hinggil sa security protection para matiyak ang kanilang kaligtasan kasunod na rin ng sunod-sunod na pagtatangka sa ilang LGU officials.
Una nang ipinag-utos ni PNP chief Police Gen. Rodolfo Azurin sa mga PNP Regional at Provincial Directors na magsagawa ng threat assessment sa mga opisyal ng gobyerno na nasa kanikanilang nasasakupan.
Kaugnay nito nilinaw ni Col Fajardo na kailangan dumaan sa tamang proseso ang kahilingan ng mga opisyal bago maaprubahan ang hinihingi nilang karagdagang seguridad.
Nabatid na pinapayagan na magkaroon ng dalawang security detail ang mga opisyal na nakatatanggap ng pagbabanta sa kanilang buhay. VERLIN RUIZ