WALANG ATRASAN SA STRIKE

Stop and Go Coalition President Jun Magno

TUMANGGI ang transport groups sa apela ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na iatras ang kanilang planong strike o tigil-pasada sa Lunes.

Sa pahayag ni Stop and Go Coalition President Jun Magno, nais nilang iparating kay  Presidente Rodrigo Duterte  ang kanilang mga karaingan kaugnay sa public utility vehicle (PUV) modernization program.

“Kami po’y humihingi ng paumanhin sa ating mamamayan. Kailangan lang namin gawin ito para makarating sa aming Pangulo. Ang Pangulo, naniniwala kami, kokontra siya kung pahihirapan ang taumbayan,” ani  Magno.

Binatikos ni Magno ang modernization program na  anti-poor dahil ang mga jeepney driver at operators ay kailangang bumili ng modernong jeepney  na nagkakahalaga ng P2 milyon kung  nais na mabigyan ng  prangkisa sa susunod na taon.

Ayon naman kay ACTO national president Efren de Luna  na wala silang choice  kundi ang magsagawa ng transport strike dahil mistula umanong bingi ang  mga kinauukulan sa mga karaingan  ng kanilang hanay sa epekto ng mo­dernization program.

Bumisita ang mga opisyal ng transport groups   sa  House of Representatives  upang paratingin ang kanilang pagsuporta sa panukalang   isinampa ni DIWA party-list Rep. Michael Aglipay  kaugnay sa PUV modernization program.

Sa ilalim ng House Bill No. 4823, ipinapanukalang payagan ang mga existing jeep na magpatuloy sa  pamamasada  hangga’t  nasuri at natiyak ang  road worthiness  nito at ang makina ay na-upgrade na sa  Euro 4.

Nakasaad pa sa panukalang batas na pagkalooban ng gobyerno ng tulong na P100,000  ang jeepney operators  na bibili ng bagong units, limang porsiyentong fixed interest para sa auto loans  na babayaran sa loob ng  sampung taon.

Comments are closed.