(Walang babaguhin) ISTRATEHIYA NG PNP VS KRIMINALIDAD

HINDI basta matiti­nag ang pulisya sa mga puna at patuloy na ipatutupad ang kanilang mga pamamaraan o strategies para proteksyunan ang taumbayan at labanan ang mga kriminal.

Ito ang binigyan-diin ni Philippine National Police (PNP) Chief, General Rodolfo Azurin Jr. kahapon sa pulong-balitaan sa Camp Crame bilang tugon sa puna ni dating PNP Chief, nga­yon ay Senador Ronald “Bato” De La Rosa na wala nang asim ang PNP o ibig sabihin ay tila lumaylay ang reputasyon sa paglaban sa krimen.

Ayon kay Azurin, bagaman mataas ang respeto niya kay Bato at sa iba pang dating PNP chiefs, hindi nito maaaring sundan ang pamamalakad nila dahil iba ang panahon at sitwasyon nang umupo ang mga ito.

“Ang sa akin kasi panahon ang nagsasabi kung ano leader na kailangan po natin. So I really have respect sa lahat po ng mga naging chief PNP po natin. They had their heydays so napakataas po ng pagtingin ko sa mga chief PNP natin lalong lalo na kay Sen. Bato but for me kasi the very reason that’s why sinasabi natin na we value the preservation of life and hindi po natin kailangan pagtatakutin ang mga kriminal because very clear naman po ang guidance ng ating mahal na presidente, to make this country a safe place whether they are inside or outside of their home,” diin ni Azurin.

Aniya, sa usapin ng pagpaparusa sa mga kriminal dapat ay dumaan sa tamang pro­seso at bigyan ng pagkakataong magsisi ang mga ito.

“ So sa akin kasi ho ang aking pananaw diyan kapag ang isang kriminal pinatay mo na, we just ended ‘yung suffering niya at that very instance but when we start investigating, filing cases and arresting these criminals at place them behind bar, if they still have 30 years to live in this world, sa araw araw po na paggising po nila, araw araw po nila pinagsisihan ang krimen na nagawa po nila,” dagdag pa ni Azurin.

Kasunod nito, tiniyak ng PNP Chief na wala siyang babaguhin sa kanilang strategy dahil ma­linaw naman ang kanilang mandato.

“Wala ho siguro tayong babaguhin because ang sa akin kasi if kung mapapansin po ninyo, while we do not, hindi natin sinasabi na mali yung ginagawa ng ibang kapulisan po natin kasi ang very basic po diyan kapag ang kriminal ay lumaban, very basic naman po siguro yun na tatanggapin na lang ba ng ating mga pulis yung mga bala? Definitely they also have to defend themselves pero kung yung tayo pa ang mag-iinstigate, huwag naman because hindi ho yun ang mandato natin bilang pulis,” giit pa ni Azurin.
EUNICE CELARIO