INAMIN ni Philippine National Police (PNP) Chief, Gen. Rommel Francisco Marbil na sitwasyon ng trapiko ang kanilang pangunahing concern habang wala pa silang natatanggap ng banta ng planong panggugulo kaugnay sa napipintong State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Gayunpaman, hindi magpapakampante ang PNP at patuloy na gumagana ang kanilang intelligence division upang mangalap na mga nagpaplano ng panggugulo kasabay ng mahigpit na paglalatag ng seguridad.
Sa katunayan, 22,000 pulis ang idineploy ng PNP para sa seguridad ng ikatlong SONA ni PBBM kasama na ang puwersa ng Quezon City Police District (QCPD).
Kabilang naman sa preparasyon ng PNP ay kung paano maiiwasan ang mabagal na trapiko sa mismong araw ng SONA.
“Wala pa kaming banta na natatanggap pero ang tinitingnan naming ngayon ay ang trapik, hanggang maaari, ayaw nating mahirapan ang publiko makaraan ang SONA, kadalasan maraming naiiipon na tao sa kalsada at naantala ang biyahe pag-uwi at pagpasok sa trabaho,” ayon kay Marbil.
Samantala, sa panig ng QCPD, sinabi ni Director BGen. Redrico Maranan na kanila nang bibilinan ang mga ide-deploy na mga pulis lalo na ang Civil Disturbance Unit (CDU).
Patuloy rin ang kanilang preparasyon upang sundin ang kautusan ni Marbil na hindi gaanong maapektuhan ang mananakay at biyahero bago at hanggang matapos ang SONA ni Pangulong Marcos sa Batasan Pambansa sa Quezon City.
EUNICE CELARIO