WALANG CASINO SA BORACAY

Spokesman Harry Roque

NANINDIGAN ang Malacañang na hindi papayagan ng pamahalaan ang pagtatayo ng casino-resort sa Boracay island na sumasailalim sa anim na buwang rehabilitasyon.

Ginawa ni Presidential spokesperson Harry Roque ang pahayag makaraang ihayag ng mga proponent ng $550-million casino-resort noong Biyernes na nananatili ang kanilang iskedyul na tapusin ang konstruksiyon nito sa 2021.

“I don’t think any private entity should test the political will of the President on the issue of casinos in Boracay. The President has said ‘No’, and I would hope they would respect that as part of Executive power,” wika ni Roque.

“Noting that the provisional license is not a license itself, it is conditional, it is provisional. It is subject to the happening of conditions which will never be fulfilled because the President has said he will not allow it.”

Noong nakaraang Marso ay binigyan ng Philippine Amusement and Gaming Corp. ang Macau-based Galaxy Entertainment Group Limited at ang local partner nito na Leisure and Resorts World Corp. ng provisional license para sa Boracay Philippines Resort and Leisure Corp., isang wholly-owned subsidiary ng Galaxy Entertainment.

Layon ng Galaxy Entertainment at LRWC na magtayo ng isang integrated resort-casino complex sa  23-hectare property sa Barangay Manoc-Manoc.

Subalit, nilinaw ni Pangulong Duterte na walang casino na itatayo sa Boracay at isasailalim niya ang isla sa land reform, tinukoy ang desisyon ng Korte Suprema noong Oktubre  2008 na nagdedeklara sa Boracay, na klinasipika nito bilang forested at agricultural, bilang pag-aari ng estado.

Samantala, inaasahang milyon-milyong piso ang papasok sa kaban ng bayan sa muling pagbubukas ng Boracay sa Oktubre.

Ito ay kasunod ng ulat na natanggap ng Department of Tourism na lima hanggang walong cruise ships ang nagpahayag na isasama nila sa itinerary ang pagbisita sa Boracay sakaling buksan na  ito.

Ayon kay Department of Tourism (DOT) Regional Director Helen Catalbas, kabilang sa naturang cruise ships ang Royal Caribbean Cruises, Star Cruises, at Celebrity Cruises.

Tinatayang aabot sa 4,500 turista at mga crew na sakay ng mga cruise ship ang dadagsa sa opening ng Boraracay. VERLIN RUIZ

Comments are closed.