(Walang credible threat-Abalos) PAG-AAKLAS LABAN SA MARCOS ADMIN MALABO

INIHAYAG ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos na walang credible threat sa ngayon kaugnay sa umano’y nilulutong pag-aaklas laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Bagaman nagulat ang kalihim nang malaman ang umano’y destablilization move at idinagdag na mayroong solid na suporta ang Philippine National Police sa Pangulo.

Aniya, Sakaling totoong may ganitong pinaplanong hakbang, hindi umano nila ito papatulan.

Ginawa ng opisyal ang pahayag matapos na ibulgar ni dating Senador Antonio Trillanes IV na mayroong mga aktibong senior members ng PNP ang nagrerecruit ng kanilang mga kasama para makibahagi sa panibagong destabilization plot laban sa presidente.

Sinabi pa nitong Martes na ilang mga police personnel ang natukoy na nagrerecruit simula pa nuong nakalipas na taong 2023.

Subali’t una nang iginiit ng PNP na wala silang namonitor na may ilang aktibo at retiradong pulis ang nagbabalak magsagawa ng pag-aaklas laban sa gobyerno. EVELYN GARCIA