NAGTATAKA ako kung bakit may ilan sa ating mga mamamayan ay may pangamba sa planong ipasa ang Human Security Act of 2007 o mas kilalang Anti-Terror Bill. Napakasimple lamang po ito. Kung wala kayong planong pabagsakin ang pamahalaan sa ilegal na paraan, hindi kayo dapat matakot sa batas na ito.
Kaya naman kitang-kita na ang unang nagprotesta at tutol sa pagpasa sa nasabing batas ay ang mga militanteng grupo. Noong nakaraang araw ay
nagmartsa sila sa UP laban dito. Nakita ko sa YouTube ang protests. Sa ilalim ng video ay lumalabas ang reaksiyon ng ating mga netizen sa kanilang ginagawa. Karamihan sa mga komento ng ating mga netizen ay hindi sumasang-ayon sa kanilang kilos-protesta.
Ang ibang netizens ay nababahala na sa kainitan ng pagtaas ng bilang ng mga kaso ng COVID-19 ay may kapal pa ng mukha na magsagawa ng mass gatherings. Ang mga iba naman ay nagbibigay komento na mas marami pang mas mahalaga na gawin upang makaahon tayo sa kahirapan imbes na nag-aaksaya ng panahon sa pagprotesta sa nasabing batas.
Sa akin opinyon naman, ano kaya ang ipinuputok ng butsi ng mga tutol sa Anti-Terror Bill? Kung wala kang nais na masama sa ating pamahalaan at bukas ang pag-iisip sa pagbabago upang maayos natin ang kinabukasan ng ating bansa sa pamamagitan ng legal na paraan, hindi ka dapat matakot sa nasabing batas.
May Saligang Batas tayo na dapat sundin. Mali man o tama ang mga inihalal na lider ng ating bansa, binibigyan lamang sila ng takdang panahon sa pamamagitan ng termino ng kanilang panunungkulan upang maglingkod. May mga batas din tayo upang tanggalin sila sa kanilang puwesto. Nangyari na po iyan sa pamamagitan ng impeachment proceeding.
Subalit ang pagpapatalsik ng gobyerno ay ibang usapan. Hindi maaaring kada administrasyon ay palaging may banta ng kaguluhan sa pamamagitan ng dahas at terorismo. Ang diwa ng Anti-Terror Bill ay upang isawata lamang ang mga grupong nais maghasik ng terorismo sa ating bansa.
Pinalalakas lamang ang ngipin ang ating batas upang hindi makapasok sa ating bansa ang tulad ng Al Qaeda, ISIS at mga komunista upang maghasik ng terorismo sa pamamagitan ng paggamit ng mga rebeldeng grupo sa ating bansa tulad ng Abu Sayyaf, CCP-NPA at iba pang grupo hawig sa kanila.
May mali ba roon? Karamihan sa mga Filipino ay nagnanais lamang ng kapayapaan at katiwasayan sa buhay. Maganda ang ekonomiya na magreresulta sa magandang kondisyon ng pamumuhay.
Kaya naman nagtataka ako kung bakit ang mga militanteng grupo ay tutol sa nasabing batas. Bakit nga ba? Nagtatanong lang po.
Comments are closed.