WALANG DISCONNECTION MULA SA MERALCO HANGGANG OKTUBRE

Magkape Muna Tayo Ulit

AYAN. Ano pa ba ang gusto ng mga nag-aalburutong customers ng Meralco dahil sa mataas na bayarin ng koryente dulot ng ECQ? Sa totoo lang, matagal na itong isyung ito na tila hindi maka-move on ang iba sa atin.

Nag-anunsiyo ang Meralco na walang putulan ng koryente sa mga hindi pa nakakapagbayad ng kanilang electric bill hanggang Oktubre. Noong huling pagdinig sa Kongreso, pumayag ang Meralco na hanggang Setyembre ang palugit na ibigay sa mga hindi makabayad. Ngayon ay nagdagdag pa ng isang buwan!

Bukod dito, ang Meralco ay nag-anunsiyo na magbibigay ng financial relief sa kanilang 2.77 million lifeliners. Ang ibig sabihin nito ay mabibiyayaan ang mahihirap nating mga kababayan na kumokonsumo lamang ng  mas mababa sa 100kWh. Mga 40% ang mga nasa hanay ng lifeliner na magkakaroon ng bawas bayad sa pamamagitan ng distribution charge mula sa Meralco. Ang prinsipyo sa likod nito ay upang tulungan ang mga kababayan natin na talagang naghihirap. Eh kung medyo angat tayo sa buhay, kaya natin magbayad, hindi po ba?

Sa madaling salita, bumaluktot na ang Meralco sa kanilang polisiya sa pagkolekta ng ating electric bill. Baka akala ninyo na ang binayaran natin sa koryente ay pupunta lahat sa Meralco…HINDI PO!

Mga 20% lamang ang napupunta sa kanila bilang distribution utility. Ang 80% ay napupunta sa mga planta ng koryente, sa ating gobyerno at iba pa. Sa totoo lang, may epekto ito sa ating ekonomiya.

Tandaan na simula nang lumabas ang isyu ng ‘bill shock’, ang Meralco lamang ang naglakas-loob upang harapin at magbigay ng paliwanag sa mga nanggagalaiti nilang mga customer.

Napakasimple lang talaga ang problema. Nagkaroon tayo ng ECQ, kaya biglang tigil ang galaw ng ating pang-araw-araw na kalakaran. Hindi lamang sa bayarin ng koryente. Pati ang mga iba pang buwanang bayarin natin ay natengga sa mahigit na dalawa o tatlong buwan. Tubig, credit card, home loan, car loan, renta ng bahay at negosyo at iba pang bayarin ay naipon sanhi nga ng ECQ.

Ang ating gobyerno mismo ay napilitang ilagay na tayo sa GCQ, maski na patuloy ang pagtaas ng bilang ng mga kaso ng COVID-19. Babagsak kasi ang ating ekonomiya kapag patuloy na huminto ang kalakaran ng ating bansa sa ilalim ng ECQ.

Kaya naman intindihin natin ang sitwasyon. Tulad nga ng sinabi ko, ang utang ay dapat bayaran. Ang mga kinonsumo natin at inutang natin sa bangko o kung saan mang negosyo ay dapat bayaran. Ito ang solusyon upang gumulong o umikot muli ang ating ekonomiya.

Ang ating pamahalaan ay naglalaan ng ayuda sa ating mga mahihirap na kababayan sa pamamagitan ng SAP o special amelioration program na aabot sa P79.3 milliion. Batay sa datos noong ika-22 ng Agosto, umaabot na sa P79.3 billion ang nailabas ng DSWD para sa 13, 285, 248 pamilyang benepisyaryo ng SAP.

Tama na ang pag-aalburuto. Bayaran ang dapat bayaran. Huwag na tayo maghanap ng palusot upang hindi magbayad.

Comments are closed.