Mga laro ngayon:
Araneta Coliseum
3 p.m. – Meralco vs NorthPort
6 p.m. – Alaska vs Rain or Shine
NALUSUTAN ng Magnolia Ang Pambansang Manok ang kakulangan sa tao at ang matikas na pakikihamok ng NLEX upang maitakas ang 112-109 panalo at manatiling walang dungis sa PBA Governors’ Cup kahapon sa Araneta Coliseum.
Pinangunahan nina Ian Sangalang, Mark Barroca at Aris Dionisio ang mainit na simula ng Hotshots sa fourth quarter bago umatake si Mike Harris sa crunch ng timely baskets para mapanatili nila ang kontrol sa laro.
Sa huli ay nalusutan ng Magnolia ang pagkawala nina injured Calvin Abueva at Rome dela Rosa habang pinalasap sa NLEX ang ikatlong sunod na kabiguan para mahulog sa 4-3 kartada.
Nagpasabog si Harris ng team-high 31 points, 10 rito ay sa fourth period at tinampukan ng isang reverse layup kontra NLEX counterpart KJ McDaniels na nagbigay sa Magnolia ng 112-109 kalamangan, may 12 segundo ang nalalabi.
Tinangka ng Road Warriors na maitabla ang laro ngunit nagmintis sina McDaniels at Don Trollano sa kani-kanilang three-point tries para makumpleto ng Hotshots ang paghahabol sa hanggang 71-85 third quarter deficit.
Binigyan ni Magnolia coach Chito Victolero ang kanyang relievers, na sinindihan ang rally mula sa 79-88 deficit sa simula ng final frame.
“We had a bad start but our second group saved us today. They gave us the energy,” sabi ni Victolero.
Sinusugan ito ni Paul Lee, na tumapos na may 21 points, mas mataas ng walo sa kanyang pre-game average. “Give credit sa second group. Gumawa sila ng paraan para makabalik kami,” aniya.
Nagsalansan si McDaniels ng game-highs na 35 points, 13 rebounds at 6 blocked shots habang nagdagdag sins Kevin Alas ng 22 points at Trollano ng 18. CLYDE MARIANO
Iskor:
Magnolia (112) – Harris 31, Lee 21, Sangalang 14, Barroca 11, Ahanmisi 9, Wong 8, Dionisio 7, Corpuz 6, Ahanmisi 5, Reavis 0.
NLEX (109) – McDaniels 35, Alas 22, Trollano 18, Cruz 12, Quiñahan 8, Nieto 7, Soyud 5, Porter 2, Varilla 0, Rosales 0, Paniamogan 0, Ighalo 0.
QS: 22-25, 54-56, 77-88, 112-109.