WALANG DUNGIS NA KARTA ITATAYA NG TEXTERS

PBA

Mga laro ngayon:

(Cuneta Astrodome)

4:30 p.m. – NorthPort vs TNT

7 p.m. – Rain or Shine vs Phoenix

ITATAYA ng Talk ‘N Text ang imakuladang marka sa pagsagupa sa inaalat na NorthPort sa PBA Governors Cup ngayon sa Cuneta Astrodome.

Nakatakda ang duelo ng Tropang Texters at Batang Pier sa alas-4:30 ng hapon na susundan ng bakbakan ng Rain or Shine at Phoenix sa alas-7 ng gabi.

Pinapaborang manalo ang TNT na may 4-0 baraha dahil lamang sila sa tao at magaling ang kanilang import na si KJ McDaniel kay Mychal Ammons.

Dinala ng 26-anyos na NBA veteran ang TNT sa apat na sunod na panalo, ang huli ay kontra Phoenix, 123-118, para palakasin ang kanilang title campaign.

Determinado namang magwagi ang NorthPort na may 1-3 marka, para makabangon mula sa dalawang sunod na kabiguan laban sa Columbian Dyip, 108-114, at Blackwater, 98-107.

Ipaparada ng RoS ang kanilang bagong import na si Kayel Locke na pumalit kay Joel Wright. Umaasa si coach Caloy Garcia na madadala ng 25-anyos na taga- North Carolina sa panalo ang koponan upang umangat sa standings. CLYDE MARIANO

Comments are closed.