(Walang extension para sa deadline sa Oktubre 15) POGO WORKERS HINIMOK SA VOLUNTARY VISA DOWNGRADING

HINIHIKAYAT ng Bureau of Immigration (BI) ang mga mang­gagawa ng Philippine Offshore Gaming Ope­rator (POGO) na boluntaryong mag-file ng pag-downgrade ng kanilang mga visa dahil wala ng extension para sa deadline nito sa Oktubre 15.

Kinumpirma ito sa isang briefing ni BI Commissioner Joel Anthony Viado at mga opisyal mula sa Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) kasama ang mga kinatawan ng POGO company.

Ang pag-downgrade ng visa ay nagpapahintulot sa mga dayuhang mamamayan na ibalik ang kanilang status mula sa work visa patungo sa temporary visitor visa na nagbibigay sa kanila ng karapatang manatiling legal sa Pilipinas nang 59 araw habang inaayos ang kanilang mga gawain.

Ang 59-araw na pa­lugit pagkatapos ng Oktubre 15 ayon kay Viado ay tumutugma sa utos ng Pangulo na umalis ang mga dayuhang POGO worker bago matapos ang taon.

“We will ensure that the orders of the President are implemented swiftly and efficiently.”

Sinabi ni Viado na nakatuon ang BI sa pagpapabilis ng proseso ng pag-downgrade para sa mga empleyado ng POGO.

Bilang bahagi ng coordinated effort ng gobyerno na tugunan ang pagsasara ng mga POGO operation, bumuo ng isang interagency task force ang BI kasama ang Department of Justice (DOJ), Department of Labor and Employment (DOLE), Department of the Interior and Local Government (DILG), PAGCOR, Philippine National Police (PNP), National Bureau of Investigation (NBI), at ang Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC).

Ang BI kasama ang PAGCOR ay nagsagawa ng briefing nitong Set­yembre 30 kasama ang mga kinatawan ng mga POGO company.

“During the briefing, the BI said that it may conduct implementation days for POGO companies, where we will implement their downgraded visa status and issue exit clearan­ces on-the-spot,” ayon kay Viado.

Dagdag pa niya, naroon din ang mga kinatawan ng DOLE sa mga serbisyong ito upang tanggapin ang mga isusukong Alien Employment Permits mula sa mga POGO worker.

Binigyang-diin ng BI na pina-simple na ang mga pamamaraan para sa pag-downgrade ng visa kaya’t wala nang dahilan para magpaliban ng pagsunod ang mga dayuhang manggagawa ng POGO.

Ang mga manggagawang hindi makakaalis ng bansa bago mag-Dis­yembre 31, 2024 ay mahaharap sa deportation proceedings at ipagbabawal na muling makapasok sa Pilipinas.

RUBEN FUENTES