WALANG EXTENSION SA DEADLINE NG ITR FILING SA ABRIL 15

ITR-1

WALANG plano ang Bureau of Internal Revenue (BIR) na palawigin pa ang April 15 deadline sa paghahain ng income tax return.

Sa ginanap na press briefing sa Malakanyang, sinabi ni BIR Deputy Commissioner for Legal Affairs Marissa Cabreros na dapat ay makapagbayad na ang mga taxpayer bago pa ang deadline dahil tiyak na magkakaroon ng penalty ang mga mabibigong magbayad ng buwis sa takdang panahon.

Ayon kay Cabreros, makabubuting magbayad nang maaga at huwag nang paabutin sa huling araw upang makaiwas sa maha-bang pila sa BIR offices sa bansa at makaiwas na rin sa anumang aberya.

“This is a friendly reminder po para po hassle-free ang pagpa-file nila ng return at they don’t get entangled with the last-minute deadline glitches,” wika ni Cabreros.

Aniya, ang tax returns na ihahain at ang buwis na babayaran matapos ang deadline ay papatawan ng kaukulang penalties tulad ng nakasaad sa Tax Code.

“Penalties include 25 percent surcharge, 12 percent interest per annum, and compromise penalty, according to schedule of penal-ties.”

Ani Cabreros, hindi nila palalawigin ang deadline ng pagbabayad ng income tax dahil simula na ang Semana Santa sa Abril 15.

Sinabi pa niya na walang dapat ikabahala ang publiko dahil mas madali na ngayon ang pagbabayad ng buwis dahil mayroon nang online payment.

Bukas din, aniya, ang Tax Filing Assistance Centers sa lahat ng BIR Revenue District Officies (RDOs) upang umalalay sa mga taxpayer kaugnay sa electronic filing at payment inquiries at concerns habang bukas naman mula Abril 1 hanggang Abril 15 ang National Training center (NTC) sa BIR National Office maging sa araw ng Sabado, Abril 6 at Abril 13, mula alas-8 ng umaga hanggang alas-5 ng hapon para sa mga taxpayer na nakarehistro sa Revenue Region 5 (Caloocan City), Revenue Region 6 (City of Manila), Revenue Region 7 (Quezon City) at Revenue Region 8 (Makati City).

Dagdag pa ni Cabreros, maging ang mga authorized agent bank ay napakiusapan na rin na mag-extend ng kanilang banking hours ng hanggang alas-5 ng hapon mula Abril 1 hanggang Abril 15  at bukas din sa dalawang magkasunod na Sabado upang tu-manggap ng tax payments sa kani-kanilang hurisdiksyon.

Samantala, tumaas ang koleksiyon ng buwis ng BIR noong 2018 na umabot sa P1.9 trilyon kumpara sa P1.7 trilyon na nakoleta noong 2017.        EVELYN QUIROZ

Comments are closed.