IPINAG-UTOS ni Pateros Mayor Miguel “Ike” Ponce III ang pag-aresto sa mga hindi nakasuot ng face mask sa munisipalidad sa gitna ng mabilis na pagtaas ng kaso ng COVID-19.
Aniya, nito lamang Disyembre 31 ay nakapagtala ang munisipalidad ng 38 aktibong kaso kabilang na dito ang 16 na bagong kaso sa kabuuang 7,992 kumpirmadong kaso ng COVID-19 kung saan 7,847 ang mga nakarecover na habang 107 naman ang mga namatay sa virus.
Nanumbalik ang kaso ng COVID-19 makaraang maging COVID-free ang munisipalidad sa loob ng mahigit dalawang linggo.
Patuloy ang pagtanggap sa mga isolation facilities ng mga pasyente habang ginagastusan din ng munisipalidad ang mga nagpositibo sa COVID-19.
Sa mabilis na pagtaas ng kaso ng COVID-19 at sa banta na dinudulot ng mas makakahawang Omicron variant ay isinailalim ng Inter-Agency Task Force (IATF) ang buong National Capital Region (NCR) sa mas mahigpit na Alert Level 3 mula Enero 3 hanggang Enero 15.
Pinaalalahanan naman ang mga residente ng munisipalidad na maging maingat at sumunod sa minimum health standards dahil ayon sa mga eksperto, ang Omicron variant ay mayroong limang beses na kakayahang mas makahawa kumpara sa naunang Delta variant.
Pinayuhan din ang mga magulang na huwag na munang palabasin ng bahay ang kanilang mga batang anak lalo na ang mga nasa edad 12 taong gulang pababa na hindi pa nababakunahan. MARIVIC FERNANDEZ