WALANG FACE-TO-FACE CLASSES-BRIONES

Leonor Briones

TINIYAK  ni Department of Education Secretary Leonor Briones na walang face-to-face classes sa pasukan ngayong taon upang maiwasan ang pagkalat ng coronavirus disease (COVID-19).

Sa ginanap na pulong  ni Pangulong Rodrigo Duterte  at  Inter-Agency Task Force  ay sinabi ni  Briones na  patuloy ang pag-aaral ng mga estudyante gamit ang  blended learning. Marami aniyang mga approach na gagawin katulad ng online education.

Para naman sa mga walang access sa internet ay maaring magamit ang classic o longtime approach katulad ng paggamit ng radyo o telebisyon kung saan maraming mapapanood na educational program.

Binigyang diin ni Briones na marami nang unibersidad ang gumagamit  ng distant learning at hindi na aniya ito bago.

Sinuportahan naman ni Duterte ang panukalang blended learning ni Briones at sinabi nito na kung may kailangan  ang kagawaran ay nakahanda siyang ipagkaloob ito.

Kamakalawa ay inihayag ng Malakanyang na tuloy ang enrollment sa mga pampublikong paaralan  sa Hunyo 1.

Itinakda naman ang pagsisimula ng klase sa Agosto 24. PILIPINO MIRROR Reportorial Team

Comments are closed.