WALANG GATAS ANG LECHON DE LECHE

HINDI nawawala ang lechon sa lahat ng malala­king handaan. May malaki, may maliit, pero ang pinakasikat sa lahat ay ang lechon de leche. Mas mura kasi ito, kasi, mas maliit. Pero mind you, walang halos gatas ang lechon de leche o roasted suckling pig. Tinawag lamang itong lechon de leche dahil kawawalay lamang sa ina na dinededehan niya.

Mas madali rin itong iluto dahil kas­yang kasya sa oven. Hindi mo na kaila­ngang ikot-ikutin para magpantay ang lutong ng balat. Bukod diyan, mas malambot ang laman nito at mas malasa.

Sa pagluluto ng lechon de leche, linising mabuti ang biik. Alisin ang laman-loob, ahitin ang balahibo, at pahiran ng asin, paminta at vetsin (optional) ang balat ng baboy pati na ang loob. Tuhugin ang biik  at lutuin sa uling kung walang oven. Kung may oven naman, pwedeng ilagay na lamang dito at hayaang maluto sa loob ng 60 minutes sa 250 degrees centigrade o kapag naluto na ang loob ng baboy.

Sa paggawa ng sauce, gamitin ang atay na inalis sa biik. Ilaga ito at durugin. Kung ayaw mo naman nito, pagsama-samahin ang suka, breadcrumbs, asukal, asin at freshly-ground black pepper. Buhusan ng 40 milliliters na malamig na tubig at haluing mabuti,

Duruging mabuti ang bawang at sibuyas. Initin ang mantika at igisa ang kalahati ng sibuyas at bawang hanggang maging golden and crispy. Alisin sa apoy at isantabi pansamantala.

Igisa ang natitira pang bawang at sibuyas hanggang maging soft and translucent. Ibuhos dito ang vinegar mixture at pakuluin ng isang minuto. Pwede na ang sawsawan ng lechon de leche. Kainan na!  – SHANIA KATRINA MARTIN