CARAGA REGION-ALINSUNOD sa batas ang pag-aresto ng Philippine National Police (PNP) kay Dr. Natividad Castro noong Pebrero 18 sa bahay ng kapatid nito sa San Juan City.
Ayon kay CARAGA Police Regional Director, BGen. Romeo Caramat Jr. ang pag-aresto sa doktora ay nasa proseso na taliwas sa alegasyon ng Commission on Human Rights (CHR) na salungat sa due process.
“Alam niyo po ako ay nagtataka bakit sinasabi ng taga-CHR na maraming violations sa pag-aresto namin kay Dra. Castro eh wala naman talaga. Sinunod namin ang police operational procedures at ‘yung nakasaad sa batas kung paano ang pag-aresto sa karapatang pantao lalo na sa pag-aresto,” ayon kay Caramat.
Nilinaw pa ng heneral na hindi warrantless arrest ang kanilang ginawa dahil isilbi ang warrant of arrest na inisyu ng korte.
Aniya, wala rin violations sa pag-aresto dahil may babaeng pulis na nakasuot ng uniporme ang umaresto sa doktor na umano’y human rights advocates.
“Alam niyo po alam namin na ang target namin babae kaya kami po nagdala ng isang operatiba na babae na nakasuot uniporme para makita kaagad ‘yung mga umaaresto ay alagad ng batas. Mayroon po kaming isang intel operative na babae, uulitin ko na naka-uniporme during the arrest at sinasabi pa rin ng CHR na biglaan po ‘yung pag-aresto na bigla-bigla sila sumugod, “ paliwanag pa ni Caramat.
Nanindigan din si Caramat na miyembro ng Communist Party of the Philippines –New People’s Army (CPP-NPA) si Doc Naty.
Nabatid na makaraang madakip noong Biyernes si Doc Naty ay agad din itong iniuwi sa Bayugan City, Agusan del Sur dahil doon naka-file ang kanyang kasong kidnapping at illegal detention.
EUNICE CELARIO