Good day mga Kapasada,
Sa totoo lang, pinatutunayan ng social media na maraming aksidente sa lansangan ang nagaganap; araw-araw bunga ng kawalang ingat ng maraming drayber sa pagmamaneho.
Dahil dito, marapat lamang na mabatid ang mga kabahalaang may kaugnayan sa kawalang ingat sa pagmamaneho.
Walang sino mang dapat magmaneho ng walang pag-iingat o pag-aaral sa luwang, daloy ng trapiko, grado, tawiran, mga kurbada, at iba pang kondisyon ng daan at panahon, na maaaring maglagay sa panganib sa ari-arian o sa kaligtasan o karapatan ng sinuman.
Walang sino mang dapat na sumabit sa labas o hulihan ng isang sasakyan, at walang nagmamaneho ng sasakyan ang dapat pumayag na sabitan o sakyan ang hulihan o labas ng kanyang behikulo, maging ang isabit ang bisikleta, iskeyting at iba pang katulad na bagay.
Walang taong hindi awtorisado ang dapat makialam o manira ng alinmang sasakyang de motor. Walang sinumang dapat magmaneho kung siya ay nakainom ng alak o bawal na gamot, o kaya’y magmaneho sa paraang nakasasagabal o nakasisira sa iba pang behikulo, o kaya’y magbaba ng pasahero o kargamento na nakasasagabal sa malayang pagdaan ng iba pang sasakyan.
Kapag naaksidente, kailangang ihinto agad ng drayber ang sasakyan, at kung hinihingi ay ipakita ang kanyang lisensiya, ibigay ang tunay na pangalan at tirahan at ang tunay na pangalan at tirahan ng may-ari ng sasakyan.
Ayon sa LTO, walang sinumang nagmamaneho ng isang sasakyan na kasangkot sa isang aksidente ang aalis sa lugar ng pinangyarihan ng sakuna nang hindi tinutulungan ang biktima, maliban sa mga sumusunod na kadahilanan:
- kung siya ay nanganganib na saktan ng sinuman dahil sa naturang aksidente.
- Kung ire-report ang naturang aksidente sa pinakamalapit na alagad ng batas at
- kung tatawag ng doctor o nars upang tulungan ang biktima.
IWASANG MAGMANEHO KAPAG INAANTOK
Ayon sa mga driving expert, dapat na tinatandaan ng sino mang driver na ang pagmamaneho nang inaantok ay walang ipinagkaiba sa pagmamaneho nang lasing.
Ipinapakita ng sinabing iyan ng isang opisyal ng U.S, National Sleep Foundation na ang pagmamaneho nang inaantok ay mapanganib.Ang mga sumusunod ay nagpapahiwatig na hindi ka dapat magmaneho sapagkat:
- Hindi ka makapagpokus, kurap ka nang kurap o namimigat ang iyong mga mata.
- Napapatungo ang ulo mo.
- Hikab ka nang hikab.
- Hindi mo matandaan ang mga dinaanan mo.
- Lumalampas ka sa ibang linya, napapatutok sa sinusundang sasakyan, o nasasagasaan mo ang mga rumble strip sa gilid ng kalsada.
Kapag nangyari sa iyo ang mga ito, hayaang iba muna ang magmaneho o pumarada ka sa isang ligtas na lugar tulad ng isang gasoline stations, sa isang parking area at umidlip sumandali.
Mas mahalaga ayon sa ulat talaan ng National Sleep Foundation ang kaligtasan mo at ng iba kaysa kaunting pagkaabala sa pagbiyahe.
TIPS SAKALING PUMALYA ANG BRAKE
Ang pagpalya ng brake (preno) ay bagsakan ng sisi ng driver sa panahong sila ay nagkaroon ng hindi inaasahang traffic accident.
Payo ng mga professional mechanic ng isang service station sa Makati City, talagang mapanganib ang pagmaniobra ng minamanehong sasakyan kung hindi gumana ang preno sa panahong ito ay kailangan.
Subukan ang pangkagyat na paraan, doblehin ang apak sa clutch at i-reverse ang gear kung maaari. Patayin kaagad ang ignition at dalhin ang sasakyan sa tabing daan at saka maglagay ng Early Warning Device (EWD) sa likuran.
PROBLEMA SA MAKINA
Sa panahon ngayon, napag-alaman ng pitak na ito na maging sa mga humintong sasakyan sa mga lansangan ay nagiging biktima ng mga modus ng mga ambulant mechanics. Iwasan ang mga ito sa pamamagitan ng pagkaunawa sa mga trobol ng makina na ating tatalakayin sa isyung ito tulad ng:
- Slow cranking. Ang karaniwang dahilan ng slow cranking ng engine ng inyong makina ang mga sumusunod:
- Marami ang langis ng makina.
- Mahina na ang battery.
- Mali o mahina ang kapasidad ng battery.
- Maluwag ang koneksiyon ng battery.
- Sira ang starter switch, at
- Sira ang starting motor drive.
- Ignition troubles:
Karaniwang dahilan ng ignition troubles ang:
- Sunog ang distributor point.
- Mali ang pagkakaayon niyon.
- Mali ang pagpupuwang sa spark plug.
- Maluwag at may kalawang ang kable ng spark plug sa distributor cap.
- Maluwag ang koneksiyon sa primary circuit.
- Mahina ang kapasidad ng condenser, at
- May resistensiyang serye sa condenser circuit.
- Kondisyon ng makina:
Narito ang ilan sa problema sa kondisyon ng engine ng minamaneho ninyong sasakyan. Ayon sa ating kasangguning professional mechanic na si Jess Viloria ng Parañaque City, narito ang karaniwang dahilan tulad ng:
- bukas ang mga pumipigil sa mga balbula.
- Sunog ang mga balbula.
- Tumutulo ang manifold gasket.
- Maluwag ang carburetor mounting, at
- May diperensiya ang piston, rings at cylinders.
- Carburetion problems:
- Hindi maayos na nagtatrabaho ang choke.
- Hindi maayos ang throttle.
- Marumi ang daanan ng karburador.
LAGING TATANDAAN: Umiwas sa aksidente upang buhay ay bumuti. (photos mula sa irishtimes.com, independent.co.uk)
HAPPY MOTORING!
Comments are closed.