MATAGUMPAY na naidepensa ni Rey Guevarra ng Phoenix Fuel Masters ang kanyang slam dunk title makaraang gapiin ang tatlong katunggali sa side events ng 2019 PBA All-Star Game kagabi sa Calasiao Sports Complex sa Calasiao, Pangasinan.
Umiskor ang high leaping na dating player ng Letran ng dalawang perfect 50 points upang masikwat ang ika-5 slam dunk crown.
Nagbanta si top rookie CJ Perez na agawin ang korona kay Guevarra nang magpasiklab ng near perfect execution sa second round at umiskor ng 49 sa total 50 points.
Subalit hindi naging maganda ang ipinakita ng Columbian Dyip skipper at sumablay sa kanyang attempts sa mga sumunod na rounds, gayundin sina Renz Palma ng Blackwater at Lervyn Flores ng NorthPort.
Ginulat ni Guevarra ang mga nanood sa kanyang delikadong execution na nakatayo lahat ang kanyang teammates bilang harang.
“Nag-create ako ng ibang style para mabago at kunin ang paghanga ng mga judge. Sa slam dunk contest ay kailangang marami kang alam,” sabi ni Guevarra.
Samantala, naghari si Peter June Simon ng Magnolia sa three-point shootout sa pagkamada ng 17 points, habang nadominahan ni Beau Belga ng Rain or Shine ang obstacle course.
Inangkin ni Belga ang kanyang ikalawang sunod na korona, kung saan tinalo niya ang 11 iba pang slotmen sa pro league, kabilang si five-time MVP June Mar Fajardo ng San Miguel Beermen.
Ang defending champion ay naorasan ng 21.0 seconds sa final round, mas mabilis sa 21.3 seconds ni Russel Escoto ng Columbian, at sa 26.3 seconds ni Yousef Taha ng TNT. CLYDE MARIANO
Comments are closed.