WALANG KATAPUSANG ‘BAKIT’ NG MGA BATA PAANO NGA BA HAHARAPIN?

BATA-1

(ni CT SARIGUMBA)

NATURAL na sa mga bata ang maging curious. Lagi silang may tanong sa mga bagay-bagay na nangyayari sa paligid. Laging inuusisa ang mga nakikita at napapanood. Kaya’t sa pagiging curious ng anak, mahalagang nasasagot nating mga magulang ng tama at maayos ang kanilang mga itinatanong.

Sa mga panahong lumalaki ang mga bata, lumalaki rin ang kanilang curiosity o pagiging mapang-usisa. Dumarami rin ang kanilang mga itinatanong at nais malaman. May mga bagay rin silang itinatanong na kung minsan ay hindi natin mahagilapan ng angkop na kasagutan.

May mga bata ring ginagawa nilang dahilan ang pagtatanong nang paulit-ulit at walang katapusan upang makuha ang ­atensiyon ng kanilang magu-lang. Lalo na kung ang mga magulang nila ay walang panahon sa kanila’t puro trabaho ang inaatupag.

Importante rin naman ang pagtatrabaho nang maibigay natin sa ating mahal sa buhay ang kanilang mga pa­ngangailangan. Gayunpaman, siuguraduhin din nating nababalanse nating ang mga bagay-bagay—panahon sa pagtatrabaho, panahon sa pamilya, gayundin ang panahon sa ating sarili.

May mga batang ginagawa ang para­an upang mapansin o makuha ang atensiyon ng kanilang mga magulang. Pero karamihan din sa mga bata  o la-hat nga yata ng mga bata ay mapang-usisa. Matanong.

Hindi nga naman mapipigil ang mga bata sa katatanong. Kadalasan pa, kapag nasagot mo na ang isa sa tanong nila, may kasunod pa itong bakit, bakit at bakit. Minsan nga, ikaw na iyong napapagod sa kasasagot sa rami ng tanong nila. Kung minsan din, hindi natin maiwasang uminit ang ating ulo o maubusan tayo ng pasensiya.

At dahil natural na sa mga bata ang pagi­ging curious, narito ang ilan sa tips kung paano ia-approach o hahara­pin ang walang katapusan nilang tanong o bakit:

MAGING MAPAGPASENSIYA AT HUWAG MAGAGALIT

Unang-una sa dapat na matutunan ng isang magulang o kahit na sino kapag panay ang tanong ng kanilang anak o isang bata ay ang pagpapasensiya. Oo nga’t nakauubos ng pasensiya iyong walang katapusang tanong o bakit ng anak.

Pero mahalaga sa ganitong pagkakataon na pinagpapasensiyahan natin ang ating anak sa kabila ng walang katapusan nitong pagtatanong.

Hindi natin maiiwasang mainis o kaya naman ang magalit sa ganitong pagkakataon. Gayunpaman, hindi masama ang pagiging curious o mapang-usisa ng isang bata. Huwag na huwag nating ipakikita o ipadarama na masama ang pagiging curious o matanong. Sa totoo lang, mas matuwa tayong mga magulang kung makukulit at matanong ang ating anak. Ibig sabihin lang kasi nito, matalino siya’t marami pa siyang gustong malaman. At gabayan natin sila sa bahaging iyon.

SAGUTIN ANG ITINATANONG NG ANAK

Kapag natatanong o nakukulitan tayo sa katatanong ng ating anak, madalas nating sinasabing “ewan” o kaya naman, “tigilan na ang katatanong”. Ka-pag busy tayo o pagod, ayaw nating may na­ngungulit o may tanong nang tanong.

Imbes na ewan o patigilin ang anak sa katatanong, mas mai­nam kung sasagutin ito nang malinawan siya sa nais niyang malaman.

Oo, hindi titigil ang mga bata kapag hindi nila nakuha ang sagot na nais nila. O kapag hindi sinagot ang tanong nila, patuloy lang silang magtatanong at mangungulit.

Kaya’t para mapadali rin ang lahat, sagutin nang maayos ang anak ano pa man ang itinatanong nito.

KUNG HINDI ALAM ANG SAGOT, SABIHING PAG-IISIPAN MUNA

Hindi naman porke’t magulang tayo, masasabing alam na natin ang lahat ng bagay.

Siyempre, may mga bagay ring mahirap sagutin.

At sa mga pagkakataong nagtatanong ang anak ng mga bagay na hindi natin masagot, huwag matakot na ipa­alam sa anak na ‘di mo alam ang sagot at pag-iisipan mo muna.

Hindi naman masamang magpakatotoo, lalo na sa anak. Nangyayari rin naman iyong may hindi tayo alam o nahihirapan tayong sagutin.

TANUNGIN ANG ANAK

Mainam din kung tatanungin ang anak kung ano ang palagay niyang sagot sa kanyang itinatanong. Sa ganitong paraan, malalaman mo ang iniisip ng iyong anak. Magandang paraan din ito sa pakikipag-usap o pakikipagdiskusyon sa mga bata ng mga bagay na curious sila.

Natural naman talaga sa mga bata ang maging palatanong o pagiging curious.

Kaya naman, hang­ga’t makakaya nating sagutin ang tanong nila, sagutin natin.

Comments are closed.