(Walang kaukulang permit mula sa DENR) BUYER, SELLER NG CHAINSAW KINASUHAN NG NBI

NUEVA VIZCAYA- PATONG-patong na kaso ang isasampa ng National Bureau of Investigation (NBI -BAYDO) laban sa isang buyer at tindahan na nagbenta ng chainsaw na walang anumang dokumento sa bayan ng Bambang nitong nakalipas ng Linggo sa nasabing lalawigan.

Nahaharap sa kasong paglabag sa RA 9175 (Chainsaw Act of 2002) ang akusadong si Kevin Hindac Dulnuan na naaktuhang bumibili ng chainsaw sa GM’s Corner Variety Store na walang permit mula sa Department of Environment and Natural Resources (DENR).

Ayon kay NBI Officer-in-Charge (OIC) Director Eric B. Distor, kakasuhan din ang may-ari ng GM Store na si Michael Guimbongan Kimayong dahil sa kawalan ng lisensya at permit mula sa CENRO para magbenta ng chainsaw sa publiko.

Nag-ugat ang entrapment operation ng NBI -Bayombong District Office laban sa mga akusado matapos makatanggap ng letter request sa Community Environment and Natural Resources Office na humihingi ng assistance para imbestigahan ang bentahan ng unregistered chainsaw sa DENR Region 2 na sinuspinde ang pagpaparehistro ng chainsaw.

Kaagad naman umaksyon ang NBI-BAYDO kung saan isinailalim sa surveillance operations ang nasabing tindahan sa bayan ng Bambang, Nueva Vizcaya na nagbebenta ng chainsaw at iba pang cutting device through electric and internal combustion engine na walang kaukulang permit sa DENR.

Sa beripikasyon ng CENRO, lumilitaw na ang GM Store ay walang permit sa kanila bago magbenta ng chainsaw na isang paglabag sa RA 9175 ( Chainsaw Act of 2002).

Gayundin, naaresto ang akusadong si Dulnuan kung saan narekober ang biniling chainsaw, sales invoices, marked money at resibo maging ang may-ari ng nabanggit na tindahan ay kinasuhan na rin. MARIO BASCO