WALANG KAYOD NA PINOY NABAWASAN(2.24M noong Oktubre)

trabaho

BUMABA ang bilang ng mga walang trabahong Pinoy sa 2.24 million noong Oktubre mula sa 2.5 million noong Setyembre, ayon sa datos na ipinalabas ng Philippine Statistics Authority (PSA) nitong Miyerkoles.

Katumbas ito ng national unemployment rate na 4.5%, na nangangahulugan na ang tinatayang 45 sa bawat 1,000 Pinoy ay walang kayod. Mas mababa ito ng 5% kumpara sa naunang buwan.

Year-on-year, ang mga jobless na Pinoy sa naturang buwan ay mas mababa rin kumpara sa 3.50 million na naitala noong Oktubre 2021.

Ang October unemployment rate ang pinakamababa magmula nang maitala ang kaparehong 4.5% print sa pre-pandemic October 2019.

Ikinumpara ang datos sa pagitan ng Hulyo at Oktubre ngayong taon, sinabi ni PSA chief Dennis Mapa na ang major industry na may pinakamalaking pagtaas sa employment ay ang transportation at storage sector, na ang bilang ng mga manggagawa ay tumaas sa 3.39 million mula 3.15 million.

Ang top five ay kinabibilangan din ng manufacturing, education, administrative and support service activities, at construction industries.

Samantala, sinabi ng PSA na ang agriculture and forestry sector ang nagtala ng pinakamalang pagbaba sa employment sa 9.22 million noong Oktubre mula 9.73 million noong Hulyo.

Ang mga sumusunod na industriya ay nagtala ng second- to the fourth-largest drop sa employment: wholesale/retail trade and repair of motor vehicles and motorcycles; public administration/defense and compulsory social security; arts, entertainment and recreation; at real estate activities.

Samantala, bumaba ang underemployment rate ng bansa sa 6.67 million (14.2%) noong Oktubre, mula 7.33 million (15.4%) noong Setyembre. Gayunman, sinabi ni Mapa na mas mataas ito sa 6.54 million (13.8%) noong Hulyo.

Lumabas din sa datos ng PSA na ang national employment at unemployment rates ay kapwa bumalik na sa to pre-pandemic levels magmula noong Hulyo 2022.

Sa kabila ng pagbaba ng unemployment rate, ang bilang ng employed Filipinos ay bumaba sa 47.11 million sa naturang buwan mula 47.58 million noong Setyembre ngunit mas mataas sa 43.82 million na may trabaho noong Oktubre 2021.

Ipinaliwanag ni Mapa na ang pagbaba kapwa sa unemployed at employed persons noong Oktubre ay sanhi ng “seasonal factors” tulad ng nakita sa pagbaba sa labor force participation sa October survey round kumpara sa naunang quarter survey round noong Hulyo.