WALANG kaugnayan sa nagaganap na armed conflict sa pagitan ng Russia at Ukraine kaya nasa Pilipinas ngayon ang isang U.S warship na bahagi ng US 7th deployment fleet na naka deploy sa Indo-Pacific region.
Nilinaw ng Department of National Defense (DND) at pamunuan ng Philippine Navy (PN) na nasa bansa ngayon ang Littoral combat ship ng US Navy ang USS Tulsa para sa isang regular port call.
Ayon sa PN, dumaong ang nasabing US Navy vessel noong nakalipas na Linggo matapos bigyan ng diplomatic clearance ng Department of Foreign Affairs (DFA).
Kasalukuyang sumasailalim sa replenishment at maintenance ang USS Tulsa.
Magugunita na nitong Pebrero 22 ay nakipagpulong si US Navy 7th Fleet, Vice Admiral Karl Thomas kay Philippine Navy Flag-Officer-in-Command VADm. Adelius Bordado.
Ang pagbisita ni VAdm. Thomas ay pagpapakita ng matibay na alyansa na lalo pang pinalalakas ang partnership at kooperasyon ng dalawang navy.
Kapwa nagpahayag sina Thomas at Bordado ng kanilang paninindigan para sa “free and open Indo-Pacific region.”
Nilinaw ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na aalis din agad ng bansa ang USS Tulsa sa sandaling matapos at makumpleto ang isinasagawang ship replenishment at maintenance.
Kamakailan ay binisita rin ni United States Army Pacific Command (USARPAC), commander General Charles A Flynn ang mga pinuno ng major service commands ng AFP. VERLIN RUIZ