WALANG KUPAS!

pacquiao vs thurman

(Pacquiao wagi kay Thurman via split decision)

MULING ipinamalas ni Manny Pacquiao ang kanyang bangis upang maitala ang decision victory laban kay Keith Thurman sa kanilang pinakaaabangang WBA welterweight showdown sa MGM Grand Garden Arena sa Las Vegas kahapon.

Gayunman ay hindi inaasahang pumabor ang isang judge kay Thurman sa kabila ng malinaw na dominasyon ng Filipino ring icon na nagresulta sa split decision.

Sa edad na 40 ay tag­lay pa rin ng fighting senator ang pambihirang bilis at punching power tungo sa pagkopo ng panalo laban kay Thurman, na mas bata sa kanya ng 10 taon.

Isang judge ang nagbigay ng iskor na 114-113 para kay Thurman, subalit ang dalawang iba pang judges ay pumabor kay Pacquiao, na nagbigay sa Pinoy boxer ng panalo – at ng WBA welterweight championship na kanyang ika-28 world title fight.

“He did his best, and I did my best, so the people are happy,” wika ni  Pacquiao, na ang pa­ngalan ay isinisigaw ng partisan MGM crowd sa buong gabi.

“Thurman… he did his best, he’s not an easy opponent. He’s a good boxer, he’s strong, and I’m just blessed tonight,” dagdag pa ni Pacquiao.

Umangat si Pacquiao sa 62 panalo, 7 talo at dalawang draws, habang nalasap ni Thurman ang unang kabiguan sa kanyang professional career upang bumagsak sa 29-1.

Hitik sa aksiyon ang bakbakan mula pa lamang sa opening bell, kung saan agad na nagpakita ng pagiging agresibo ang dalawang boksingero. Bagama’t nakatama si Thurman ng ilang dangerous punches, si Pacquiao ang nagbigay ng babala sa closing stretch ng first round.

Isang kaliwa sa katawan na sinundan ng isang kanan sa ulo ang nagpabagsak kay Thurman, may 20 segundo ang nalalabi sa Round 1. Subalit nalusutan ito ni Thurman upang umabot sa second.

Nakontrol ni Pacquiao ang sumunod na dalawang rounds, kung saan sinagasa niya ang depensa ni Thurman sa kanyang jab bago nagpakawala ng kanan. Isang right counter punch sa pagtatapos ng fifth round ang nagbigay ng cut sa kaliwang pisngi ni Thurman.

Naibalik ni Thurman ang kanyang rhythm sa kalagitnaan ng laban, at nasa kanyang pinakamagandang porma sa seventh round nang makatama ng ilang clean punches. Gayunman ay tinawanan lamang ni Pacquiao ang pagsisikap ni Thurman, at bumanat ng uppercut sa closing seconds na muling nagpayanig sa American boxer.

Inilagay ni Pacquiao si Thurman sa alanganing sitwasyon sa tenth round nang paulanan ng suntok ang tiyan ng American kung saan napayuko ito.

“He’s not an easy opponent,” wika ni Pacquiao patungkol kay Thurman, na nagbantang pagreretiruhin at pahihirapan ang Filipino icon. “He’s a good boxer.”

Batay sa statistics, mas maraming pinakawalang suntok si Pacquiao na may 686 sa loob ng 12 rounds. Nakatama siya ng 195, kabilang ang 113 power punches.

Gayunman ay mas accurate boxer si Thurman nang makatama ng 210 sa 571 punches para sa 36.8% rate, kabilang ang 192 power punches.

Maluwag namang tinanggap ng dating kampeon ang kanyang pagkatalo.

“He got the knockdown, so he had momentum in round 1,” ani Thurman. “Manny Pacquiao is truly a great, great, legendary champion. The Senator . . . got the victory over me.”

“My conditioning and my output was just behind Manny Pacquiao,” dagdag pa niya. “But it was a great night of boxing, and I would love a rematch.”

Kung magkakaroon ng rematch ay posibleng mangyari ito sa 2020.

“My next fight will probably be next year,” ayon kay Pacquiao. “I’m busy after this fight.”

One thought on “WALANG KUPAS!”

Comments are closed.