WALANG LABAN ANG MGA MATINONG DRAYBER SA KAMOTE RIDERS

DATI  na ay isinulat ko tungkol sa mga ‘kamote riders’ ng ating lansangan. Sila ang ating mga motorcycle riders na nagmistulang mga peste sa ating mga lansangan na walang habas na sumingit sa kaliwa’t kanan sa lahat ng uri ng mga sasakyan. Walang habas pa kung mag-counterflow sa traffic.

Kakainin pa nila ang mga bicycle lanes, sidewalk at kung minsan pa nga ay isasampa nila ang kanilang motorsiklo sa island ng kalsada at hindi na gumagamit ng ating mga U-Turn slots. Meron bang sumisita sa kanila? Wala hindi po ba? Aminin!!!

Hindi ako laban sa mga gumagamit ng motorsiklo. Sa katunayan naiintidihan ko ang ugat ng biglang pagbulusok ng dami ng motorsiklo sa Pilipinas. Simple lang. Mura, matipid, madadala ka sa nais mong paroroonan sa mas mabilis na oras kung ating ihahambing sa masamang sistema ng pampublikong transportasyon ng ating bansa.

Dahil pa sa pandemya, naging mahalaga ang mga motorcycle riders dahil sa food deliveries, kasama na ang mga nauusong online shopping. Nakakapagbigay ng karagdagang hanapbuhay pa ang mga ito sa mga motorcycle riders natin. Sumusuporta ako sa kanila sa mga aspetong ito.

Subalit ang hindi ako sang-ayon ay ang iba sa kanila na walang disiplina sa kalsada. Mga pasaway. Kung umasta ay akala mo sila ang may karapatan at prayoridad sa lansangan. Natuto na rin na maglagay ng malakas na busina na akala mo ay malaking sasakyan ang gustong sumingit sa gilid mo. Para bang nagbibigay mensahe na “tumabi ka at padaan ako!” Ito nga yung mga tinatawag na KAMOTE RIDERS. Susmaryosep!

Ang masakit pa rito ay ang mga kamote riders ay hindi naman handa sa responsibilidad kung sila ay maka aksidente o lumabag sa mga batas trapiko. Kung makabangga sila ng tao na tumatawid sa pedestrian lane o makasagi ng kaunti sa mga sasakyan, mumuwestra lang ang isang kamay ay itataas na nagbibigay mensahe na ‘sorry po, pasensya na’at diretso na sa takbo. Tapos! Ganun lang???

Kung masita naman, ang iba sa kanila ay walang lisensya o kaya naman ay hindi rehistrado ang kanilang motorsiklo. Wala rin pambayad kung makadisgrasya. Dahil hindi rehistrado, walang insurance coverage. Haaaays.

Tulad na lang ng nangyari sa akin kahapon. Ako ay bumabagtas ng maayos sa kahabaan ng Commonwealth Avenue mga bandang alas siyete ng umaga, kasagsagan ng trapiko. Ang mga pasahero ay naghihintay at nag-aagawan ng masasakyan na bus, dyip o kaya naman taksi. Karamihan sa kanila ay magka-cut ng linya mula sa kaliwa papuntang kanan upang makauna sa mga ibang bus na nais din makakuha ng pasahero. Ganyan ang sistema ng ating pampublikong transportasyon….walang sistema!

Kaya naman ang mga matitinong motorista may biglang mapapahinto sa mga kuma-cut na bus, taksi o dyip. Kaso sa kaliwa’t kanan naman ay nandyan ang mga motorsiklo na sumisingit sa mga pagitan ng mga samu’t saring mga sasakyan, pampubliko o pribado man.

Kaya hayun, noong nagmenor ako ay may biglang tumama na motorsiklo sa likuran ko. Basag ang likod na ilaw ng aking sasakyan at may gasgas sa tagiliran. Lumabas ako upang tignan ang pinsala. Ang nakamotorsiklo ay nakatumba at sakay-sakay niya marahil ang kanyang misis na maaaring papunta sa kanilang trabaho.

Ewan ko ba kung bakit ang pakiramdam ko ay parang sila pa ang naagrabyado sa nangyaring aksidente ngunit malinaw na ako ang nabangga. Umaktong pang malubha ang nararamdaman nilang sakit dahil sa aksidente. Ang tanong ko naman sa sarili ko ay “Ano ba ang ginawa ko?”

Lapit naman itong nagmamagaling na traffic enforcer mula sa Quezon City at agarang kinunan ng litrato mula sa kanyang cellphone ang mga plate numbers ng aming sasakyan. Nilapitan ko ang motorcycle rider at sinabi ko na siya ang may kasalanan sa pangyayari. Aminado naman siya. Pinagsabihan ko na malaking perwisyo sa oras at ang danyos nito sa resulta ng kanyang pagmamadali.

Alam ko naman na walang kahahantungan nito. Magbabayad ba siya? Kung gagawan ko pa ng report ito, masisira ang lahat ng appointments ko sa araw na ‘yun pero sa kinalaunan ay wala rin naman akong makukuha na bayad sa danyos na ginawa niya sa akin. Dagdag pa dito ay iniisip ko rin na sa hirap ng buhay ang naidulot ng pandemya, dagdag kaltas ito sa kanilang ipon na pera.

Kaya kahit masakit sa aking loob na ako na mismo ang gagastos sa danyos ng ginawa niya sa akin, ay pinagsabihan ko na lang na sa uli uli ay umayos siya sa kanyang pagmamaneho. Inamin naman niya.

Ang nabuwisit lang ako ay umeksena na naman ang magaling na traffic enforcer at nagsalita kung ano na ang desisyon namin sabay ang una niyang tanong sa motorcycle rider ay kung magsasampa siya na reklamo laban sa akin. Ha?! Bakit yun ang unang tanong ni Mr. Traffic Enforcer? Nakita ba niya ang buong pangyayari? Bakit parang ako agad ang may kasalanan? Ako na nga ang naagrabyado tinatanong pa nu’ng henyong traffic enforcer kung magsasampa ng kaso laban sa akin!

Tumaas tuloy ang boses ko. “Bakit ako?!” Sabay ang sabi ni traffic czar sa akin ay “Huwag kayo magtaas ng boses sa akin. Inaayos ko nga po ito eh”. Dito na pumasok sa aking ulo na hindi ko na kailangan patulan ang mga ganitong klase mga tao. Hayaan ko na lang. Ika nga, “charge to experience…”