WALANG LUGAR ANG BULLY SA LIPUNAN

Magkape Muna Tayo Ulit

Naging viral sa social media nitong nakaraang araw ang naka­bibiglang eksena kung saan isang 3rd year high school na estud­yante ng Ateneo ang nam-bully sa ilan sa mga kaklase niya. Dalawa ang napanood ko. Umabot na yata ng mahigit 3 million hits sa social media. Samu’t sari ang mga reaksiyon. Karamihan ay ang pagkondena sa aksiyon nitong estudyante sa kanyang pag-bully. Ang unang video ay nangyari habang nasa loob sila ng comfort room at hinamon niya ang isang kaklase niya habang umiihi. Ang nasabing bully ay maliit lamang nguni’t tila may alam sa taekwondo. Ang kanyang hinamon ay mas malaki sa kanya subali’t mukhang ordinaryong estudyante lamang na ang prayoridad ay pag-aaral lamang.

Hinamon ng nasabing bully, ‘bugbog o dignidad’? Sa nasabing video, natulala ang matangkad na estudyante. Parang makikita mo sa kanyang aksiyon na nagtatanong sa kanyang sarili, “Ano’ng dahilan upang hamunin ako? Ano’ng ginawa ko?” Tulala ang kawawang bata. Walang poot o galit sa kanyang pag-iisip. Samantala ang nasabing bully ay handang makipagsuntukan sa walang kapararakang dahilan. Ay sus! Sinapak ng bully ang kawawang estud­yante.

Sa susunod na video naman ay biniktima niya ang isang mukhang ‘nerd’ na pinaluhod ng nasabing bully.  Sa walang sapat na kadahilanan pinaaamin ng bully na sabihin ng kaklase niya na siya ay ‘bobo’. Kung hindi niya sasabihin na bobo raw siya ay bubugbugin ng bully niyang kaklase. May kasama pang ibang barkada ang nasabing bully. Natural na luluhod ang kawawang bata dahil wala sa kanyang personalidad na palaaway. Pag-aaral at kabutihan malamang ang nasa isip niya lamang. Tinakot siya upang gumawa ng mga aksiyon na naka­yuyurak ng sariling dignidad. Marahil nakadagdag upang maging mainit na usapan ang nasabing video dahil nangyari ito sa mga estudyante ng Ateneo de Manila University. Alam naman natin lahat kung gaano kasikat ang nasabing paaralan. Marami ang nagpatapos dito na mga tanyag at kilalang mga personalidad sa ating kasaysayan at lipunan.

Dahil nga sa rami ng inaning negatibong reaksiyon sa video na ito, agarang umaksiyon ang pangulo ng ADMU na si Fr. Jose Ramon Villarin na magsasagawa ng masusing imbestigas­yon. Sinabi niya na wala silang papaboran sa kasong ito. Kung kailangan na patalsikin ang may sala ng pambu-bully ay hindi sila mag-aalangan na gawin ito.

Pati ang Philippine Taekwondo Association (PTA) ay naglabas din ng pahayag at kinondena nila ang paggamit ng ga­ling sa taekwondo upang manakit ng kapwa tao sa pamamagitan ng pambu-bully. Pati ang dating manlalaro ng taekwondo na si Monsour del Rosario na nakapagbigay karangalan sa ating bansa ay nagpahayag din ng sama ng loob sa pangyayaring ito. Sinabi niya na galit na galit siya sa mga bully. Ang ginawang aksiyon ng nasabing estudyante ng Ateneo upang gamitin ang husay sa nasabing martial arts ay hindi katanggap-tanggap. Naniniwala si Del Rosario na papatawan ang batang ito ng mabigat na parusa mula sa kanilang asosasyon.

Malayo na ang narating ni Monsour del Rosario dahil sa biyaya na nabigay sa kanya ng Taekwondo. Matapos nang makilala siya sa kanyang pagkapanalo sa Asian Games at iba pang international competition, naging finalist din si Del Rosario sa 1988 Seoul Olympics. Pagkatapos ay pumasok siya sa pelikula at na­ging kilalang action star. Sumubok siya sa politika at naging konsehal at kasalukuyang congressman ng Makati. Noong nakaraang taon ay ginawaran siya bilang “2017 Proud Taekwondo” ng Kukkiwon sa Seoul, South Korea. Ito ang governing body ng Taekwondo sa buong mundo. Ang nasabing gawad kay Del Rosario ay iti­nuturing na pinakamataas na pagkilala sa nagpapraktis ng taekwondo na nakapag-ambag ng kabutihan sa kanilang martial arts.

Sana ay huwag tularan ang estudyanteng bully ng Ateneo. Ayaw ko ng banggitin ang kanyang pangalan dahil menor de edad pa siya. Subali’t malalaman ninyo kung sino siya sa pamamagitan ng social media. Kung gaano siyang kaangas sa kanyang pambubully, sana’y tanggapin din niya kung ano ang maa­ring mabigat na parusa na igagawad sa kanya ng ADMU at ng PTA. Sana naman, ang pangyayaring ito ay magsilbing mabigat na leksiyon sa kanya na ang pam-bubully ay walang lugar sa ating lipunan.

Comments are closed.