NANGAKO ang Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa mga guro na ibibigay ang kanilang allowance.
Sa kanyang ikatlong state of the nation Address (SONA) ay tiniyak ng Pangulo na ang mga guro sa pampublikong paaralan ay makatatanggap ng karagdagang benepisyo na magpapagaan ng kanilang buhay habang ginagampanan ang kanilang mga tungkulin.
Kabilang sa mga benepisyo ay ipagkakaloob na sa pamamagitan ng Kabalikat sa Pagtuturo Act, na pinagtibay noong Hunyo.
“Ito ay magbibigay sa mga guro sa pampublikong paaralan ng teaching allowance para pambili ng mga kagamitan sa pagtuturo at mga kaugnay na gastusin,” anang Pangulo.
Maglalaan din ng pondo para sa expanded career progression system sa mga guro para wala na umanong guro na magreretiro na Teacher 1 lang.
“We have allocated funds to finally implement the expanded career progression system for our public school teachers, which shall promote professional development and career advancement within their ranks,” ani Marcos.
“This expanded system lays out two major career paths for our teachers to pursue: the teaching; and the school administration tracks, each of which shall have ample career growth opportunities,” patuloy niya.
Dahil dito, sinabi ni Marcos, “Sa sistemang ito, wala nang public school teacher ang magre-retire na Teacher I lamang.”
“Sa madaling sabi, kung talagang gusto nating magtagumpay ang hinahangad nating pagbangon sa larangan ng edukasyon, sila — ang ating mga guro — ang dapat nating itaguyod at patatagin,” dagdag niya.
Kailangan din aniya ang pagdagdag ng mga empleyado para magampanan nila ang kanilang mga sari-saring gawain sa paaralan at makakatutok nang mabuti sa kanilang propesyon sa pagtuturo.
Ang Kabalikat sa Pagtuturo Act ay magbibigay sa mga guro sa pampublikong paaralan ng dagdag na taunang teaching allowance.
Bukod dito, mayroon na rin silang Personal Accident Insurance mula sa GSIS at Special Hardship Allowance para sa mga karagdagang guro na masasaklaw nito, na nakararanas ng matinding hirap at panganib sa kanilang araw-araw na trabaho.
Tiniyak ni Marcos na hindi na mabibiktima ng “utang-tagging,” o mahahadlangan ang mga guro sa pag-renew ng kanilang mga lisensiya dahil sa kanilang mga pagkakautang.
“Wala na ring “Utang-Tagging” sa mga teacher. Hindi magiging hadlang ang kanilang pagkaka-utang upang makapag-renew ng kanilang mga lisensya. Bagkus, marapat lamang na sila ay payagan pa ring makapagturo, nang sila ay makapaghanapbuhay at kumita,” sabi ng Pangulo.
EVELYN QUIROZ
SONA MGA ISYUNG DAPAT TUGUNAN
TAHASANG sinabi ni Senador Lito Lapid na ang SONA ni Pangulong BBM ay nagpapakita ng napakaraming pansinin na kailangang tugunan ng ating pamahalaan para sa ating mga kababayan.
Aniya, ang pag-usad ng iba’t ibang programang iniulat ni PBBM ay nagbibigay sa atin ng pag-asa para sa mas mabuting kinabukasan at hamon na gawin natin ang ating bahagi upang tiyaking makakamit natin ang mithiin ng mga programang ito.
“Kami pong nasa Senado ay handang humarap sa hamong ito na isabatas ang mga kinakailangan polisiya upang magtagumpay ang ating gobyerno sa paglilingkod sa ating mga bansa.
Ang programang iniulat ni PBBM ay nagbibigay sa atin ng pag-asa para sa mas mabuting kinabukasan at hamon na gawin natin ang ating bahagi upang tiyaking makakamit natin ang mithiin ng mga programang ito, ” ani Lapid.
Iginiit pa nito na handa ang Senado na humarap sa hamong ito na isabatas ang mga kinakailangang polisiya upang magtagumpay ang ating gobyerno sa paglilingkod sa ating mga bansa.
VICKY CERVALES