WALANG MALI SA PAGBEBENTA NG SMUGGLED NA ASUKAL SA KADIWA

WALA umanong nakikitang mali si Senadora Cynthia Villar sa pagbebenta ng smuggled na asukal sa Kadiwa stores.

“’Di ba pag may na-seize ka na smuggled sa government na ‘yun? ‘Di naman ibinabalik ‘yon sa nag-smuggle. Confiscated na ‘yun, parang ari na ng gobyerno ‘yun. Either silaban ng gobyerno iyon or ipagbili sa Kadiwa store pero ‘di na babalik sa smuggler ‘yon. Bawal yon,” ani Villar.

Sinabi ito ng chairperson ng Senate committee on agriculture, food and agrarian reform sa harap ng mga kritisismo na ang pagbebenta ng ilegal na imported goods ay rewarding sa mga smuggler.

Sa presyo ng ibebentang asukal sa Kadiwa stores, sinabi ni Villar na depende ito sa patakaran ng administrasyon.

Kamakailan, binago ng Sugar Regulatory Administration (SRA) ang mga panuntunan nito para pahintulutan ang donasyon ng nasamsam na smuggled na asukal sa mga tindahan ng Kadiwa at payagan ang pagbebenta nito sa publiko.

LIZA SORIANO