NILINAW kahapon ng Department of Health (DOH) na walang meningococcemia outbreak sa bansa.
Ito’y kasunod na rin ng mga kumakalat na balitang isang dalawang taong gulang na batang babaeng taga-Bulacan ang binawian ng buhay sa pagamutan sa Valenzuela City, dahil sa naturang karamdaman.
“There is no reported meningococcemia outbreak in the country,” anang DOH, sa isang pahayag.
Sa kabila naman nito, tiniyak ng DOH na masusi nilang iimbestigahan ang naturang suspected meningococcemia case, na sinasabing nakitaan ng mga sintomas ng naturang karamdaman.
“Our team has collected laboratory specimens and is still awaiting results, as of this writing. We are closely coordinating with our regional office for contact tracing,” anang DOH.
Nabatid na napagkalooban na rin ng DOH ng post-exposure prophylaxis ang mga taong nagkaroon ng close contact sa biktima at masusing binabantayan ang mga ito laban sa mga sintomas ng sakit.
Una naman nang inianunsiyo ng Valenzuela City local government na negatibo sa meningococcemia ang naturang pasyente na taga-Bulacan, at na-admit sa Valenzuela City Emergency Hospital (VCEH) ngunit binawian din ng buhay.
Nakitaan umano ang pasyente ng mga sintomas ng meningococcemia gaya ng mataas na lagnat, mga pantal at pagtatae, kaya’t kaagad na itong sinuri laban sa naturang karamdaman ngunit malaunan ay nakumpirmang negatibo naman.
Bilang precautionary measure ay nagpasya pa rin naman ang VCEH na i-fumigate at i-disinfect ang emergency room nila. ANA ROSARIO HERNANDEZ