WALANG PADRI-PADRINO SA BIR

Erick Balane Finance Insider

BINIGYAN ng ‘go signal’ ni ­Pangulong ­Rodrigo Duterte ang Department of Finance na agad sibakin sa puwesto ang sinumang gagamit sa kanyang pangalan bilang ‘padrino’ o kahit sino sa kanyang pamilya o mi­yembro ng kanyang Gabinete para makakuha ng ‘juicy positions’ sa nasabing tanggapan.

Ito ay upang maalis ang pagdududa ng publiko na nagkakaroon ng ‘palakasan’ at ‘bata-bata system’ sa isinasagawang major revamp para ganap na masugpo ang katiwalian sa BIR.

Ayon sa source, gaya ng Bureau of Customs ay nililinis ngayon sa katiwalian ang kawanihan kung saan direktiba umano si Presidente Digong kay Finance Secretary Carlos ‘Sonny’ Dominguez III na kasuhan ang sinumang gagamit sa kanyang pangalan para maparusahan sa harap ng report na may mga opisyal sa BIR na nagdadala umano ng kani-kanilang ‘backer’ para makakuha ng magandang puwesto, bagay na hindi pinapayagan ni BIR Commissioner Caesar ‘Billy’ Dulay na ­mangyari sa pagpapatuloy ng isinasagawang paglili­nis sa BIR sa layuning mapataas ang tax collections at mapagan-da ang serbisyo sa taxpaying public.

Sinimulan ni Commissioner Billy ang muling pagbalasa sa BIR sa harap ng report na marami pa rin sa mga opisyal nito ang nadarakip at nakakasuhan sa iba’t ibang korte dahil sa pangingikil at pagkakasangkot sa iba pang katiwalian na siyang dahilan ng paglobo ng bilang ng mga opisyal at empleyado na inisyuhan  ng ‘show cause orders’.

Samantala, ‘under fire’ ang isang RDO (re­venue district officer) na nakatalaga sa Bacoor City matapos ireklamo ng isang media practitioner dahil sa umano’y paglabag sa Republic Act 6713 o ang Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees sanhi ng hindi nito pag-aksiyon sa kanyang reklamo laban sa isang negosyante ng water refilling station at LPG na hindi nag-iisyu ng official receipts, na isang paglabag sa Section 264 ng National Internal Revenue Tax Code.

Sa kanyang reklamo, sinabi ng naturang ­journalist na ayaw ipabanggit ang  pangalan para sa kanyang kaligtasan, na pina-receive niya sa naturang RDO ang kanyang letter-complaint na may petsang Agosto 10, 2018 laban sa may-ari ng nasabing water refilling station at LPG dahil sa hindi nito pag-iisyu ng resibo sa binili niyang produkto.

Sa halip umano na imbestigahan ang kanyang reklamo ay binalewala ito ng nabanggit na opisyal, na maliwanag na paglabag sa  probisyon ng Ethical Standards at sa Civil Service Rules and Regulations.

“Sinunod ko lang ang utos ng BIR na humingi ako ng resibo sa anumang produktong aking bibilhin at iyon ay karapatan ng lahat ng taxpayers. Maging sina Secretary Dominguez at Commissioner Dulay ay palaging nananawagan sa publiko na humingi ng resibo sa mga grocery, tindahan o estab-lisimiyento sa pagbili ng anumang produkto dahil ito ay isang obligasyon ng sinumang negosyante kaya ito ay marapat lamang sundin,” pahayag ng media practitioner sa kanyang ­reklamo.

Magugunitang mismong si Presidente Duterte ang nagpahayag na direktang ireklamo sa Malacañang o itawag sa 888 ang sinumang kawani o opisyal ng gobyerno na aabuso sa tungkulin.

Ang naturang RDO ay inatasan ni Commissioner Dulay na personal na magsadya sa kanyang tanggapan para ibigay ang kanyang panig bago isyuhan ng ‘show cause order’.

Pahayag ni Commissioner Dulay, hindi nila tino-tolerate ang anumang pang-aabuso ng mga opis­yal ng BIR laban sa taxpa­yers.

Sa pagpapatuloy naman ng major shake-up sa BIR, itinalaga ni Commissioner Billy bilang mga bagong RDOs sina Christine Cardona sa Marikina City; Wrennolph Panganiban sa Tarlac City; Ed Castillo sa Cotabato City; Corazon Balinas sa Mandaluyong City; Miguel Morada sa Caloocan City; Socrates Regala sa Malabon City; Alfredo Santos sa Plaridel, Bulacan; Aldo Esmena sa Tagbilaran City; Tohammel Yahya sa Alaminos, Pangasinan; Charmaine Dela Torre sa San Fernando, La Union; Jose Lourdes Tang sa Zaraga, Iloilo; Maglangit Decampong sa Mandaue City; Malik Umpar sa Cebu City South; Maria Isabel Utit sa  Bayumbong, Nueva Vizcaya; at Cesar Balangatan sa Ilagan, Isabela.



Para sa mga komento o opinion, mag-text lamang po sa  09293652344/ 09266481092 o mag-email sa [email protected].