Tuloy pa rin ang dagsa ng mga mag-ari ng negosyo sa Pasay City na gustong mag-renew at kumuha ng panibagong business permit sa Business Permit and Licensing Office (BPLO) ng City Hall.
Ayok sa BPLO, nasa 600 hanggang 700 ang kaya nilang iproseso sa isang araw kaya posibleng matapos ang renewal at pagtanggap nila ng mga bagong business permit applications hanggang sa Enero 20.
Sinimulan ang on-site at online business application ng BPLO noong Enero 2, 2025 upang bigyan ng pagkakataon ang lahat ng business establishment na kumuha ng permit.
Sa kabila nito kinastigo ng ilang business owners ang BPLO dahil umano sa maluwag na regulasyon sa mga hindi nakakapag-comply ng kaukulang dokumento para mag-operate ng negosyo.
Ilan sa inirereklamo ang umano’y nagpapatuloy na operasyon ng dalawang wet market sa kahabaan ng Taft Avenue na binigyan lamang umano ng probationary permit ng BPLO noong nakaraang taon gayong wala silang fire safety permit, sanitary at occupational permit.
Paliwanag ni Atty. Patrick Legaspi, officer-in-charge ng Pasay BPLO, paulit-ulit na nilang pinadalhan ng notice ang dalawang wet and dry market para ayusin ang kanilang permit.
“‘Yung isa na lang po ang hindi pa nakakapagsumite ng complete requirements. Itong Wowee Market maraming beses po natin silang binigyan ng paalala to comply with their lacking documents,” wika ni Legaspi.
Katunayan aniya, pumunta ngayong Biyernes, Jan. 10, ang kinatawan ng Wowee Market para magsumite ng ilang dokumento, subalit kulang pa rin ito ng sanitary at occupational permit.
Malinaw aniya ang direktiba sa kanila ni Pasay City Mayor Imelda Calixto-Rubiano na bigyan ng kunsiderasyon ang lahat ng negosyo. Gayunpaman, igniitn ni Legaspi na hindi maaring pairalin ang ‘palakasan system’ sa pagpapatupad ng regulasyon lalo na sa mga business establishments kagaya ng public market.
“Kung wala pa rin silang complete requirements, wala po tayong magagawa. Hindi natin sila bibigyan ng permit to operate hangga’t walang completion of requirements. Hindi po natin pwedeng isaalang-alang ang kaligtasan ng publiko lalo na kung wala silang fire safety at sanitary permit,” ani Legaspi.
Paalala ng BPLO, hanggang January 20 lamang ang deadline ng pagkuha ng permit para makapagpatuloy ng kanilang negosyo ngayong 2025.