MARIING ipinaliwanag kahapon ni Department of National Defense Undersecretary at Philippine Veterans Affairs Office (PVAO) Administrator Ernesto Carolina na walang overpayment na naganap sa mga namatay na pensiyonado.
Ito ay dahil sa safety measures at validation na ginagawa ng kanilang tanggapan bukod pa sa pakikipag-ugnayan nila sa Philpost at Philippine Statistics Administration.
Nabatid na nagbabayad ang PVAO sa Phillipine Postal Office para magsagawa ng validation ang kanilang mga kartero para sa kanilang pensioners na kumukuha pa ng litrato na may hawak na diaryo at nag-uulat hinggil sa status ng mga ito.
Bukod pa rito ay may ugnayan din ang PVAO sa PSA na nag-iisyu naman ng death certificate at nagre-report sa PVAO kung may namatay na pensioners base sa kanilang hawak na master list.
Nauna rito base sa inilabas na COA report, sinasabing umaabot sa 5,721 patay na pensioners sa ilalim ng payroll ng Philippine Veterans Affairs Office (PVAO) ang patuloy na tumatanggap ng kanilang buwanang pensiyon na nagkakahalaga ng P70.25 mil-lion.
At mahigit sa kalahati ay nanatiling hindi nare-refund, ayon sa Commission on Audit (COA).
Sa 2018 audit ng PVAO, sinabi ng mga state auditor na 2,545 ng claims ay mula sa patay na beterano habang ang natitirang 3,176 ay mula sa kanilang mga asawa at minor na anak.
Sinabi ng COA na ang mga claimant ay tumatanggap ng kanilang regular monthly pensions na sumasaklaw mula isang buwan hanggang limang taon sa kabila na nai-report na ang kanilang pagkamatay.
“Comparison of the payroll pensioners and list of reported deaths for 2018 disclosed that 5,721 or 84.5 percent out of 6,768 to-tal reported deaths continuously received their regular monthly pensions which ranged from one to 64 months, thus resulted in the overpayment amounting to P70,250,300,”nakasaad sa audit.
Idinagdag pa ng COA na P36.45 million na ipinalabas na pension funds ay nananatiling unrefunded sa gobyerno habang ang nabawing halaga ay umaabot sa P33.7 milyon na ire-remit pa lang sa Bureau of the Treasury.
Nilinaw ni Carolina na sa sinasabing P70 million ay 60 porsiyento nito o katumbas ng mahigit P40 million ay na- recover na, habang ang nalalabing 40 percent o P30 million ay nasa account pa ng mga pensioner subalit naka-block na ang mga ito at hindi na maaring galawin pa o i-withdraw ng mga kamag anak o asawa. VERLIN RUIZ
Comments are closed.