WALANG PHILHEALTH PREMIUM RATE HIKE NGAYONG 2023

PHILHEALTH

ISANG magandang balita ang nais na ipabatid ni Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) acting President at Chief Executive Officer (CEO) Emmanuel R. Ledesma, Jr. sa kanilang mga miyembro, na sa buong taon ng 2023 ay walang magiging pagtaas sa premium rate nila.

“Sineseguro po ng PhilHealth na patuloy ninyo kaming magiging kaakibat sa pagsulong ng kalusugan para sa lahat.

Ngayong taon at sa mga susunod pa ay makakaasa po kayo sa patuloy na bagong benepisyong malawakan para sa mamamayang Pilipino,” ang mariing pahayag pa ni Ledesma, Jr.

Una nilang ipinahayag ang pagtalima sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. na suspendihin ang nakatakda sanang premium rate increase ngayong taon, na mula 4 percent ay magiging 4.5 percent, habang itataas din ang income ceiling na ang P80,000 ay gagawing P90,000.

Dagdag pa ni Ledesma, magpapalabas sila ng hiwalay na advisory para sa susunding guideline kaugnay ng nabanggit na kautusan partikular para sa tinatawag na direct contributors ng PhilHealth.

Samantala, sa nakaraang pagdinig ng Senate Committee on Health hinggil sa panukalang pag-amyenda sa Republic Act No.11223 o ang Universal Health Care (UHC) patungkol sa premium contributions, sinabi Ledesma na pinag-aaralang mabuti ng PhilHealth ang mungkahing magkaroon ng fixed premium rates para sa ilang member categories bunsod na rin ng guiding principles ng National Health Insurance Program on Equity and Social Solidarity – partikular sa risk sharing sa hanay ng all income groups.

“These are just some of the provisions that PhilHealth is presently reviewing as it looks into improving the law,” paliwanag ng PhilHealth Chief.

“Regardless, we would like to assure the Committee that PhilHealth wants nothing but to serve the Filipino with benefits that are of quality, responsive, and equitable in support of achieving the goals of universal health care in this country. We continue to call for your support in Congress and enjoin everyone to help PhilHealth be the program that we aim and envision it to be,” dugtong ni Ledesma.