WALANG PINIPILI PARA SA SOLUSYON SA TRAPIK

Magkape Muna Tayo Ulit

AMININ natin. Lahat tayo na gumagamit ng lansangan ay may pananagutan at  responsibilidad upang makahanap ng solusyon sa pagluwag ng trapiko sa ating mga lansa­ngan. Ito ang palaging idinidiin ng MMDA. Hindi lamang sila ang may hawak ng responsibilidad kapag trapik ang pinag-uusapan. Kailangan din na ang pribadong sektor ay handang tumulong sa suliranin na ito sa pamamagitan ng pagsunod sa mga batas trapiko.

Nasabi ko ito dahil may isang grupo na naman na nagsasabi na ang kanilang sektor daw ang mas dapat paboran ng gobyerno upang makahanap ng solusyon sa trapiko sa Metro Manila.

May bagong usbong na grupo. Ang tawag nila sa kanilang sarili ay Kom­yut na pinamumunuan ng isang Toix Cerna. Sinasabi nila na ang gobyerno raw ay mas pinapaboran ang mga pribadong sasakyan imbes na ang mga ordinaryong mananakay.

Sa totoo lang, nagdududa na ako sa mga samu’t saring grupo na biglang umuusbong upang makisawsaw sa isyu ng trapiko. Ang pinaka-credible na grupo rito ay ang National Center for Commuters’ Safety and Protection na pinamumunuan ni Elvira Medina. Ang huling balita ko kay Medina ay nasa DOTr na siya bilang isang assistant secretary. Marahil pinasok niya ang gobyerno upang masiguro niya na may boses ang kapakanan ng mga mananakay.

Subalit hindi ako sang-ayon sa posisyon ng Komyut. Hindi ako naniniwala na ang ating pamahalaan ay mas pinapaboran ang mga pribadong sasakyan. Maliwanag na ang programang ‘Build Build Build’ ng kasalukuyang administrasyon ay para sa mga mananakay. Ang mga planong pagsasaayos sa ating light rails, subways at karagdagang mga tulay at mga circumferential road ay upang mapabilis ang daloy ng trapiko. Kapag bumilis ang daloy ng trapiko, sigurado na makikinabang ang mga commuter dito.

Kung ang pinupuntirya naman ng grupong Komyut ay ang plano ng pamahalaan na tanggalin ang provincial buses sa EDSA, sa totoo lang ay hindi na bago ang programang ito. Halos lahat ng mga progresibong bansa ay ipinagbabawal ang mga provincial bus sa loob ng kanilang siyudad.

Nakita naman ninyo ang resulta ng ganitong polisiya sa United States at sa karamihan sa progresibong European countries. Pati sa Singapore ay ipinagbabawal ang provincial buses sa loob ng siyudad. Ano ang resulta? Maluwag na daloy ng trapiko.

Pagbigyan muna natin ang gobyerno sa mga plano nila upang maayos ang trapiko sa Metro Manila. Huwag nating labanan agad. Para naman sa mga may-ari at operator ng provincial buses, huwag na ninyong gamitin bilang panangga ang mga commuter para sa kikitain ninyo sa inyong negosyo. Sa totoo lang, imposible kayong malugi. May sasakay at sasakay sa inyo na mga taga-lalawigan papunta sa Metro Manila at pabalik sa kanilang probinsiya.

Hayaan natin na ang pamahalaan ang mag-isip at maghanap ng solusyon upang paborahan ang lahat nang guma­gamit ng lansangan sa Metro Manila imbes na magparatang na may pinapaboran sila. Simple lang, sumunod tayo sa lahat ng batas trapiko. Pati ang mga commuter ay umiwas din sa jaywalking at huwag sumakay sa mga ipinagbabawal na sakayan.

Sumunod ang lahat ng mga pampublikong sasakyan na magbaba at magsakay sa wastong himpilan at terminal. Ga­nito rin sa mga may-ari ng pribadong sasakyan. Huwag kayong mag-counterflow. Huwag kayong pumasok sa yellow lane. Huwag kayong pumarada kung saan bawal.

Sa palagay ko, maski papaano ay mararamdaman natin ang improvement ng trapiko sa Metro Manila.