NO political colors.
Ito ang sinabi kahapon ni Pangulong Rodrigo Duterte sa ambush interview sa pagdiriwang ng National Heroes Day sa Libingan ng mga Bayani sa Taguig City.
Seniority ang naging batayan sa pagpili sa bagong hirang na Chief Justice Teresita Leonardo-de Castro.
“Kung sino ‘yung unang pumasok siya ‘yung unang ma-promote and that would go for everybody,” paliwanag pa ng Pangulo.
Mariing pinabulaanan ng Pangulo na pabuya ito kay De Castro dahil sa pagpapatalsik kay dating Chief Justice Maria Lourdes Sereno bunsod na rin ng ginawang pagbatikos nina Senador Antonio Trillanes at Magdalo partylist Congressman Gary Alejano.
“Sa lahat ‘yan sa civil service, sa military pati sa everybody- seniority. Walang singitan in the civil services, no political colors included and it would be the same for all justices not only De Castro, lahat ‘yan sila,” dagdag pa ng Pangulo.
Ayon pa sa Pangulo, hindi siya pamilyar kahit isa sa mga nominado ng Judicial and bar Council (JBC) sa pagka-Punong Mahistrado. “Wala akong kilalang justice na personal… They are all strangers to me,” sabi pa ni Pangulong Duterte.
Magugunita na umani ng batikos sa kanyang kritiko ang pagtatalaga kay De Castro dahil bayad-utang daw ito sa naging papel nito sa pagpapatalsik kay Ma. Lourdes Sereno sa pamamagitan ng quo warranto petition na inihain ni Solicitor General Jose Calida.
Kabilang si De Castro sa shortlist ng mga nominado sa posisyon ng Chief Justice na isinumite sa Malakanyang noong Agosto 24.
Nagtapos ng abogasya sa University of the Philippines at nagsilbi ng halos 45 taon sa gobyerno, si De castro ay nakatakdang magretiro sa Oktubre 8, 2018 matapos ang 44 araw na panunungkulan. EVELYN QUIROZ
Comments are closed.