WALANG inilaang budget para sa social amelioration program (SAP) sa ilalim ng panukalang P4.5 trillion national budget para sa 2021, ayon kay Budget Secretary Wendel Avisado.
Sa Senate budget hearing, sinabi ni Avisado na para sa 2021, ang alokasyon lamang nila ay para sa mga regular na programa ng DSWD.
Ginawa ng kalihim ang pahayag nang tanungin ni Minority Leader Franklin Drilon kung bakit walang inilaan para sa emergency cash aid gayong ang bilang ng mga pamilyang Pinoy na daranas ng kahirapan ay inaasahang tataas dahil sa COVID-19 pandemic.
“We’re looking at the improvement in the economy and the opportunity for people to be able to work already and we still have the regular programs, the 4Ps that will be continued,” sabi pa ni Avisado.
Aniya, ang P200 billion budget para sa SAP sa ilalim ng Bayanihan 1 law upang ayudahan ang nasa 18 million households sa kaagahan ng taon, at ang dagdag na P6 billion sa ilalim ng panukalang Bayanihan 2 ay ipinagkaloob dahil sa mga lockdown na naging sanhi ng hindi pagtatrabaho ng maraming Filipino.
“For next year, we’re hoping that we can go back to the regular programs of DSWD. That is the reason why there is no provision for SAP for next year,” sabi pa ni Avisado.
Dagdag pa niya, namumuhunan din ang gobyerno sa infrastructure projects na may “multiplier effect” sa paglikha ng trabaho.
Comments are closed.