WALANG PORT CONGESTION SA PAGPAPALABAS NG BIGAS-BOC

NILINAW ng Bureau of Customs (BOC) ang mga ulat ukol sa naipong shipment ng bigas sa mga pantalan ng Maynila na nagdulot ng mga pangamba sa posibleng pagkaantala at epekto nito sa presyo ng bigas.

Ayon sa BOC, ang sitwasyon ay hindi dahil sa congestion o pagbabara ng pantalan kundi dahil sa mga pending na aksyon ng mga consignee para sa pag-release ng mga shipment na ito.

Sa Port of Manila, 258 containers ng bigas ang nasa pantalan at 237 containers ang nakahanda nang i-release matapos mabayaran ang kaukulang buwis.

Ang natitirang 21 containers na may kabuuang 8.13% ay naisumite lamang ang Goods Declaration noong Setyembre 20, 2024 at kasalukuyan pang nasa proseso ng pag-clearance.

Sa Manila International Container Port (MICP), 630 containers naman nito ang nasa pantalan at 492 containers  sa mga ito ang cleared na para ma-release, habang 138 containers pa ang naghihintay ng pagbabayad ng buwis at iba pang bayarin.

Inihayag ng BOC na wala sa mga shipment na ito ang lumagpas sa 30-araw na itinakda ng Section 1129(d) ng Customs Modernization and Tariff Act (CMTA).

Ayon sa batas, kailangang i-claim ng mga importer ang kanilang shipment sa loob ng 30 araw mula sa pagbabayad ng buwis at bayarin o ang mga shipment ay idedeklarang abandoned.

Ipatutupad ng BOC ang abandonment proceedings kung may mga shipment na hindi pa rin kinukuha matapos ang itinakdang panahon.

Dahil dito, ang mga shipment ng bigas ay nakahanda nang i-release kapag natapos na ng mga consignee ang kanilang mga kinakailangang aksyon at ang pagkaipon sa mga pantalan ay hindi sanhi ng anumang delay mula sa congestion.

Patuloy na binabantayan ng BOC ang sitwasyon at tinitiyak sa publiko na ang mga kinakailangang proseso ay nasusunod.

Samantala, sinabi ni Commissioner Bienvenido Y. Rubio na nananatiling tapat ang Bureau of Customs sa pagbibigay ng tamang serbisyo sa pagpapalabas ng mga shipment ng bigas ayon sa mga legal na proseso.

“The Bureau of Customs remains committed to ensuring that the release of rice shipments follows the legal procedures without unnecessary delays. We urge consignees to act promptly to avoid further disruptions. The BOC stands ready to enforce abandonment proceedings as mandated by law if goods remain unclaimed.”

RUBEN FUENTES