WALANG PRENONG TAAS-PRESYO SA PETROLYO

SUNOD-SUNOD na naman ang oil price hikes sa bansa.

Baka mayroon pa raw kasunod na pagtataas sa mga susunod na linggo.

Nangangahulugan na tila marami pang pasanin at pasakit na naghihintay sa mga mahihirap na mamamayan.

Hindi naman maitatatwa na kapag tumaas ang halaga ng petroleum products, laging ang mahihirap ang tinatamaan at grabeng naaapektuhan.

Sa pagtaas ng presyo ng petrolyo, kasabay na tumataas ang presyo ng mga pangunahing bilihin.

Siyempre, kasama na nga riyan ang bigas, sardinas, noodles, asukal, gatas, mantika, at iba pa.

Ang magiging kasunod nito ay ang pagtaas ng pasahe sa pampublikong transportasyon.

Ang masaklap, hindi na makaabot sa nagtataasang presyo ng mga bilihin at pamasahe ang suweldo ng karaniwang manggagawa.

Ang mga mahihirap talaga ang sobrang apektado.

Matindi ring naaapektuhan ang mga drayber ng pampublikong sasakyan tulad ng dyipni at traysikel.

Halos hindi na sumasapat ang kita nila sa maghapong pamamasada.

Maging ang pamahalaan ay aminadong hindi na dapat asahang babalik pa sa presyo noong Mayo ang Dubai crude o langis na naitala noon sa US$70 kada bariles.

Ayon kay Dir. Rino Abad ng Oil Industry Management Bureau (OIMB) ng Department of Energy (DOE), manipis pa rin kasi ang suplay kaya tuloy pa rin ang mga pagtaas sa presyo kung saan sa ngayon ay nasa US$91 na kada bariles.

Sinasabing tatagal pa sa pagtatapos ng taon ang pagbabawas ng produksiyon ng Organization of the Petroleum Exporting Countries Plus (OPEC+) at maging ng Russia at Saudi Arabia.

Ito ang dahilan kaya asahan na raw na magtutuloy-tuloy pa rin ang pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo.

Nangako naman ng patuloy na discount program ang mga kompanya ng langis habang isinusulong sa Kongreso ang pagsuspinde sa excise tax sa langis na inaasahan ding dadaan pa sa matinding diskusyon.

Kagaya ng bigas na tila hindi mapigilan ang pagtaas, ganyan din naman ang petrolyo.

Subalit sa palagay ko, mayroong magagawa ang pamahalaan para lubusang mapababa ang presyo ng langis at ito nga ay ang suspensiyon ng excise tax ng petroleum products.

Masasabing ito marahil ang pinakamabilis na paraan na maaaring gawin ng administrasyong Marcos.

Sa halos walang humpay na oil price hikes, wala na namang magagawa ang mga pangkaraniwang mamamayan kundi ang maghigpit ng sinturon at umasang bumaba ang presyo nito sa mga susunod na araw.