WALANG plano ang pamahalaan na magpatupad ng price control sa kabila ng pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin sa bansa.
Ito ang pahayag sa briefing sa Malacañang ni Trade Undersecretary Ruth Castelo.
Kapag umano nagpatupad sila ng price control ay magkakaroon ito ng hindi magandang epekto sa agricultural products.
Batay sa Price Act ay nagbabantay lamang ang pamahalaan sa presyo at tinitiyak na hindi lalampas sa itinakdang suggested retail price (SRP) ang mga negosyante.
Dagdag pa ni Castelo, sa halip na magpatupad ng price control ay napagkasunduan ng economic cluster na dagdagan ang supply ng mga pangunahing bilihin tulad ng bigas, poultry products, asukal at isda para mapababa ang presyo ng mga ito sa pamilihan.
Nauna rito ay tiniyak ng DTI na sa loob ng tatlong buwan ay hindi magtataas ang presyo ng mga pangunahin bilihin sa merkado matapos umapela ang gobyerno sa mga manufacture.
Ayon kay Castelo, kasama rito ang mga de latang sardinas, canned meat at lahat ng uri ng gatas, kape, bottled water, detergent at sabon panligo o kahit anong uri ng pangunahing pangangailangan at bilihin.
Sinabi pa ni Castelo na higit sa limang milyong kabang imported na bigas ang darating na Oktubre para makatulong sa pagbaba ng presyo nito.
Matatandaang isinusulong ng Samahang Industriya ng Agrikultura (Sinag) na magkaroon ng price control sa bigas at ang pagpapababa sa presyo ng krudo para agad na mapigilan ang problema sa mabilis na pagtaas ng presyo ng mga bilihin.
Para kay Sinag chair Rosendo So, dapat pababain ang presyo ng produktong petrolyo dahil susunod na rito ang presyo ng iba pang mga produkto. MARIVIC FERNANDEZ
Comments are closed.