WALANG PRICE HIKE SA PINOY PANDESAL, TASTY

HINDI tataas ang presyo ng subsidized bread, o ang “Pinoy Tasty” at “Pinoy Pandesal”, sa kabila ng tumataas na halaga ng raw materials at iba pang operational expenses, ayon sa Assosasyon ng Panaderong Pilipino (APP).

Sinabi ni APP president Lucito Chavez na ang anumang paggalaw sa presyo ng subsidized bread ay kailangang aprubahan ng Department of Trade and Industry (DTI) dahil ang mga ito ay nasa listahan ng basic commodities.

Aniya, ang presyo ng Pinoy Tasty ay nananatili sa P40.50 para sa kada 450-gram pack, habang ang similarly-sized pack ng Pinoy Pandesal ay mabibili pa rin sa halagang P38.50.

Ayon kay Chavez, ang presyo ng parehong produkto ay ‘standardized’ sa maliliit o malalaking retail outlets, at wala aniyang indikasyon na magbabago ito.

Ang Pinoy Tasty at Pinoy Pandesal ay resulta ng pagtutulungan sa pagitan ng local bakery industry at ng DTI sa ilalim ng naunang administrasyon, kung saan ang iba’t ibang bakeries ay nagprodyus ng common “generic bread” gamit ang kaunting asukal at mas murang raw materials, at may magkakaparehong packaging. (PNA)