WALANG PUBLIC VIEWING KAY MALI

NAGPAHAYAG si Manila Mayor Honey Lacuna na walang magaganap na  public viewing para kay Mali, ang nag-iisang elepante sa bansa na namatay sa loob ng  Manila Zoo nitong hapon ng Martes.

Sinabi rin ng alkalde na makikipag-usap ang city government sa pamahalaan ng Sri Lanka upang ipaalam ang kamatayan ni  Mali “in the hope that they find it in their heart to entrust another elephant in our care.”

Sinabi  ng alkalde ang posibilidad na isailalim sa   taxidermy si Mali upang mapreserba ang kanyang mga buto upang makita pa rin ng  zoo visitors kung ano ang itsura nito.

“Alam nyo naman po, prized possession namin si Mali, siya po ang star attraction dito sa Manila Zoo so nagsisimula na kaming magkaroon ng talks with the experts kung paano magagawang mai-preserve si Mali at mailagay siya sa museum natin dito,” pahayag ng alkalde na hindi na napigilan ang emosyon at sinabi isang malaking kawalan sa lungsod ang pagpanaw ni Mali.

“Talaga pong nakakalungkot dahil lahat tayo ay may kanya-kanyang kwento kay Mali.  Ako po nung bata pa po ako, ito po ang naging regular naming pasyalan… dito kami dinadala ng aming magulang…kaya nung irehabilitate namin ito we made sure na malaki ang ikutan niya, siya ang pambungad na pambati namin dito sa Manila Zoo,” dagdag ni Lacuna

Mula sa mga opinyon ng mga eksperto, ipinaliwanag ni Lacuna na habang marami ang nagsasabi na ibalik si Mali sa kanyang natural habitat, sinabi ng alkalde na hindi ito  ideal dahil ito ay  nasa captive state na simula nang ito ay dinala sa Manila Zoo noong siya ay  11 months old. Mahihirapan na rin itong mag-adapt kung ibabalik sa kanyang natural habitat.

Nabatid na si Mali ay maraming tumor na nakakaapekto sa maraming organs nito at nagdulot din ng grabeng pressure sa katawan at puso nito na hindi na kayang mag-pump ng sapat na dugo upang ito ay tuluyang mabuhay. Napag-alaman din na naabot na ni Mali ang kanyang maximum life span na 40 hanggang 45 anyos. Si Mali ay namatay sa edad na  43.

Ang enclosure kung saan nanatili sa loob si Mali ay tinakpan ng tarpaulins dahil ito ay sumasailalim sa  necropsy.

Hiniling ng spokesperson ni Lacuna na si Atty. Princess Abante sa media na irespeto ang  privacy ni Mali sa pamamagitan ng hindi pagkuha ng larawan ng bangkay ng elepante.

Base sa records, ang pag-aalaga at pag-aaruga kay Mali  ay ibinilin ng dating pangulong Ferdinand Marcos sa pamahalaang lungsod ng Maynila kung saan si dating Ramon Bagatsing pa ang alkalde.

VERLIN RUIZ