Saan ka pa?! Ayan ang kadalasan na sinasabi ng mga tao kapag pinagpala ng magandang balita. Tulad na lamang sa balitang lumabas kamakailan. Inanunsiyo kasi ng Malacanang na magkakaroon ng dagdag palugit ang walang putulan ng koryente sa mga mahihirap nating mga kababayan o tinatawag na lifeliners. Sila ang mga kumokunsumo ng mas mababa pa sa 100KwH. Ito ‘yung mga maybahay na hindi bababa sa tatlong bumbilya lamang ang ginagamit at walang luho sa paggamit ng mga appliances tulad ng aircondition, washing machine at iba pa.
Alam ba ninyo na halos bumubuo ng 40% ang mga lifeline customers ng Meralco? Halos 7 million ang customers ng Meralco, kaya naman marami rin ang makakahinga sa anunsiyo ng Palasyo sa walang putulan ng koryente sa loob ng dalawang buwan.
Sa totoo lang, tama ang desisyon ng gobyerno rito. Sila ang mga kababayan natin na talagang kapus palad at nahihirapan sa gitna ng dinaranas natin na pandemya. Ang iba naman ay dapat lamang magbayad ng kanilang kinunsumo na koryente. Simple lang ang dahilan. Kung may pambili ka ng TV, aircon, washing machine at iba pa…aba’y dapat handa ka rin magbayad ng koryente sa paggamit ng mga ito.
Hindi nalalayo ‘yan sa mga ibang tao na bibili ng sasakyan na malakas komunsumo ng gasolina tapos aangal dahil hirap siyang bumili ng gasolina para rito. Eh bakit pa kasi bibili ng sasakayan kung hindi mo naman kayang makargahan ng gasolina ito?
Sabi nga ni Joe Zaldarriaga o mas kilala bilang Joe Z, ang vice president ng Corporate Communications ng Meralco, iba ang siste sa koryente kung ating ihahambing sa ibang gamit. Ang koryente ay gagamitin muna ng isang buwan bago ito bayaran. Hindi tulad ng sasakyan, magbabayad ka muna ng gasolina para ikarga sa sasakyan upang magamit ito. Kaya naman sa mga umaangal sa mataas na singil sa koryente, dumulog kayo sa mga business center ng Meralco at makipanayam kung maaring hulugan ang pagbayad ng electric bill ninyo.
Sabi nga ni Joe Z, may malasakit sila sa kanilang mga customer. Inuunawa nila ang sitwasyon sa mga patong-patong na mga bayarin. Bukas ang opisina ng Meralco upang maghanap ng solusyon at maibsan ang malaking halaga na bayarin sa koryente. Sabi pa ni Joe Z. na hindi nila prayoridad ang pagputol ng koryente. Ang prayoridad nila ay maibalik sa normal ang pag-ikot ng pamumuhay ng kanilang customers. Kasama na rito ang paglinaw kung bakit umabot sa malaking halaga ang bayarin ng customers nila.
Maliban pa sa anunsiyo na walang putulan ng koryente sa mga lifeliner, ang presyo ng koryente ngayong buwan ng Pebrero ay bumaba. Ayon sa Meralco, ang overall rate sa isang typical na maybahay ay bababa ng P0.0704 per kWh, mula sa P8.7497 per KwH noong nakaraang buwan sa P8.6793 per KwH ngayong Pebrero. Lumalabas na bababa sa halagang P14 ang koryente sa mga residential customers na komukonsumo ng 200 Kwh. Hindi alam ng marami na ang dahilan sa pagbaba ng presyo ng koryente ay dulot ng mababang generation charge dahil sa napakong presyo mula sa napagkasunduan na Power Supply Agreement ng Meralco sa nagsu-suplay ng koryente sa kanila. Kaya nga nagtataka ako kung bakit may mga ibang grupo pa riyan na panay ang batikos sa Meralco. Haaaaay.
Kung Hei Fat Choi!!!
Comments are closed.