PUMALO na sa 10 katao ang nasawi sa pananalasa ng Bagyong Enteng simula noong Linggo.
Ang sanhi ng pagkasawi ay landslides at batay sa datos ng National Disaster Risk Reduction and Management Council, ang mga nasawi ay mula sa Calabarzon o Region 4A, Central Visayas o sa Cebu at sa Western Visayas.
Pito ang nasawi sa Rizal habang dalawa sa Cebu at isa sa Western Visayas.
Tuwing sasapit ang kalamidad gaya ng bagyo, kundi namatay sa pagkalunod sa baha ay sa pagguho.
Bagama’t wala kaming sinisisi sa pangyayari at kami ay nakikiramay sa mga naulila, kataka-taka na tila wala nang kadalaan pa.
Naalala tuloy namin ang dating atas ng dating Pangulo ng bansa na dapat zero death kapag tatama ang kalamidad.
Bagama’t ambisyoso ang direktiba noon, at hindi naman natutupad dahil walang makapagsasabi sa aksidenteng dulot ng kalamidad, ito ang nagpapakilos sa awtoridad na maging masigasig para bantayan at alalayan ang publiko kahit kapalit na ang kanilang buhay.
Kinikilala rin namin ang pagpupusirge ng awtoridad na pangalagaan ang publiko subalit makakamit ang pangarap na zero death tuwing kalamidad kung may pagtutulungan sa panig ng mamamayan.
Habang isa pang rekomendasyon namin ay dapat talagang huwag patayuan ng bahay ang mga flood lane at mga lugar na bantad sa pagguho.
Kung hindi man ito mapigilan dahil lumalaki ang populasyon, dapat lamang lisanin kung may paparating na bagyo upang iwas sakuna.