SA panahon ngayon ng digital age, para kay Bayani Agbayani, hindi kawalan ang pagkakaroon ng social media account.
Sey niya, ilan lang marahil siya sa mga artistang walang social media account pero so far, nakaka-survive raw naman siya.
“Nag-research kasi ako sa buong mundo, ako lang yata ang walang Facebook, e. Wala akong Facebook, hindi ako active sa IG. Hindi ko lang hilig, e. Kahit si Randy Santiago, ganu’n din daw siya. Siguro, may mga ganu’n talagang naiwan na ’90s, e. Ako, kahit ang music ko, ’90s din, e, Air Supply,” aniya.
Paglilinaw niya, hindi raw naman siya against sa social media dahil kasama ito sa ebolusyon o pagbabagong dala ng panahon.
“I have nothing against social media. Siguro, ang downside lang ay kung hindi siya nagagamit ng tama. Kung ginagamit siya para mam-bash o mag-spread ng fake news,” paliwanag niya.
Kahit walang social media, gumagawa raw naman siya ng paraan na laging updated din sa mga ganap sa kanyang paligid.
“Eventually, nag-u-update rin ako. Pinag-aralan ko na rin ‘yung Bruno Mars, nagtanong-tanong na ako. Ang disadvantage lang, kasi ang dali ko nakabisado ang lyrics ng mga songs nu’ng 90s. Eto talaga, hindi ko makabisado. Iba na ‘yung tugtog, iba na ‘yung letra. Lahat, iba na po.
“Pero dapat lahat kami na mga artista, flexible kami sa lahat na uso, e. Kaya inaaral ko unti-unti. Pati ‘yung jokes, ‘yung lahat na punchlines ng millennials, dapat aralin mo rin nang sa gayon, maka-relate sila sa iyo,” hirit niya.
Aminado rin siyang nag-a-adjust sa millennials ngayon dahil kailangan daw iyon dahil may napupulot din naman siya sa mga ito.
First time na makatambal ni Bayani ang Comedy Queen na si Ai Ai delas Alas sa “Feelennials” (Feeling Millennials) kung saan ginagampanan niya ang role ni Chito, isang bachelor na yumaman nang manalo sa lotto na naging masalimuot ang buhay nang makatagpo niya si Madam Bato Bato (Ai Ai), ang ina ng nobyo ng kanyang pamangkin na kanyang kontrapelo.
Mula sa produksyon ng Cignal Entertainment at DSL Productions ni Pops Fernandez at sa direksyon ni Rechie del Carmen, kasama rin sa cast sina Nar Cabico, Ina Feleo, Nicole Donesa, Jelai Andres ,Sofia delas Alas, Skelly Skelly, Micah Muñoz , Arvic Tan at Raffy Roque.
Palabas na sa lahat ng mga sinehan, may special participation din sina Martin Nievera, Pops Fernandez at Paolo Ballesteros at iba pang sikat na artista.
Comments are closed.