WALANG SRP SA BRANDED NA TINAPAY

TINAPAY-4

HINDI na kailangang magtakda ng suggested retail price (SRP) sa mga branded na tinapay, paggigiit ng Department of Trade and Indus- try (DTI).

Ginawa ng ahensiya ang pahayag kasunod ng panawagan ng isang consumer group na lagyan ng SRP ang mga branded na tinapay, gayundin ang semento.

Ayon kay Trade Undersecretary Ruth Castelo, may ibang mas murang tinapay naman na puwedeng bilhin ang mga consumer.

“They provided the consumers already with the low priced bread,” wika ni Castelo.

Nauna rito ay nanawagan ang grupong Laban Konsyumer sa DTI na patawan ng SRP ang mga branded na tinapay.

Anila, naglalaro sa P59 hanggang P64 ang presyo ng 600 gramo ng branded classic loaf bread.

Nakapako naman sa P35 ang 450 gramo ng Pinoy tasty habang P21.50 naman ang kada 10 piraso ng Pinoy pandesal.

Sinabi rin ng Philippine Federation of Bakers’ Association Inc. na hindi na kailangan ng SRP dahil hindi rin sila puwedeng magtaas ng malaking halaga sa pangambang lumipat ang mga consumer sa mas murang brand.

Samantala, sinabi naman ng DTI na pag-aaralan din nila ang pagpapatupad ng SRP sa semento.

Sa pahayag din ng Laban Konsyumer, overpriced o masyadong mataas ang benta ng ilang retailer sa semento.

Napag-alaman na tatlong beses nagtaas ng presyo ang iba’t ibang brand nito sa nakalipas na tatlong buwan sa kada 40 kilo depende sa lugar.

Ayon sa Laban Konsyumer, nasa P250 ang benta sa isang bag ng semento samantalang nasa P185 lang ang presyo nito sa mga planta kaya dapat ay nasa P215 lang umano ang kada bag ng semento.

Nabatid pa na tinanggalan ng SRP ang semento dahil sa labis na pagmahal ng raw materials nito sa mga nakalipas na panahon.

One thought on “WALANG SRP SA BRANDED NA TINAPAY”

Comments are closed.