HINDI magbabawas ng mga empleyado ang pamahalaan sa 2021 sa gitna ng nagpapatuloy na COVID-19 pandemic, ayon kay Budget Secretary Wendel Avisado.
“Sapat po ang budget natin para diyan sa mga kawani ng gobyerno despite the situation now,” wika ni Avisado sa isang Palace briefing nang tanungin kung may posibilidad na mag-layoff ng mga manggagawa sa gitna ng pandemya.
“Kailangan lang po na magtrabaho nang mabuti, gawin ang kanilang mandato, wala po silang dapat ipag-alala. Sapat po ang inilagay nating pondo,” aniya.
Dagdag pa ni Avisado, may standby funds para sa hiring ng contractual workers sa government service kung kakailanganin.
“Mayroon po tayong pondo na magagamit para diyan kung kinakailangan,” sabi ng kalihim.
Isinumite na ng Department of Budget and Management (DBM) ang panukalang P4.506 trillion 2021 budget sa Kongreso noong nakaraang linggo.
Comments are closed.